Kawawa’t namamalimos na jeepney drivers, tinulungan ng concerned citizen

Image by Jinn Barbatos via Facebook
  • Nagbigay ng tulong pinansyal ang isang concerned citizen sa mga jeepney drivers sa Caloocan at Manila
  • Tigil pa rin kasi ang pangkabuhayan ng mga ito
  • Hinamon niya ang mga may sobrang pera na magbigay din ng tulong

Dahil sa inisyatibang ginawa ng isang concerned citizen, nakatanggap ng tig P100.00 ang mga kawawa at namamalimos na jeepney drivers sa Mabini Avenue, Caloocan City at Rizal Avenue Manila nitong June 18.

Image by Jinn Barbatos via Facebook

Malaking tulong na ito para may maipanlaman sa kumakalam nilang sikmura. Mula kasi nang magpatupad ng quarantine measures ang pamahalaan ay natigil din ang kanilang trabaho kaya’t namamalimos sila ngayon para maipagpatuloy ang buhay.

Pagbabahagi ni Jinn Barbatos sa Facebook, kabuuang 100 drivers ang nakatanggap tulong pinansyal mula sa perang nalikom niya mula sa mga kamag-anak at kaibigan sa ilalim ng programang tinawag na “Project 100/100.”

“Salamat sa mga kaibigan ko na tumulong para bumuo ng 10K para sa Project 100/100 para sa drivers. 100 persos para sa 100 drivers, napa-abot po natin ang tulong sa Manila at Caloocan.

“Hindi ko po ito pera, ito ay donasyon ng mga kaibigan at kamag-anak ko. Sana’y matulungan niyo din sila mga Tol! Salamat.”

Hinamon din niya ang mga mamamayan na kung mayroong sobrang pera ay maawa sa mga drayber at magbigay ng kaunti. Kawawa umano sila dahil may mga industriya nang nagbukas liban sa transportasyon.

Dagdag niya sa bidyo, mga magulang ang mga drayber at may mga umaasa sa kanila. Balak pa ni Jinn na balikan ang mga ito para muling matulungan.

Image by Jinn Barbatos via Facebook

Ngiti at pasasalamat naman ang isinukli ng mga drayber sa Good Samaritan. Pinapurihan siya ng mga netizens.

“You’re amazing Mr. Jinn Barbatos! Sana gayahin ka ng maraming tao para matulungan ang lahat ng nangangailangan.”

“‘Yung mga maliliit na tao na may ginintuang puso ay tumutulong. Kumusta naman po kaya ang lahat ng mayayamang politiko?”

“Sobrang nakakaiyak talaga kapag mapapadaan ka sa kanila. Dasal ko na makaraos tayong lahat, pare-pareho.”

Image by Jinn Barbatos via Facebook

Loading…