Kim Chiu ipatatawag ng MMDA upang alamin ang pagsasayaw umano ng aktres sa EDSA

  • Iimbitahan ng MMDA si Kim Chiu dahil sa diumano ay pagsasayaw nito sa EDSA
  • Nais ng MMDA na marinig ang panig ng aktres bago gumawa ng karampatang aksyon
  • Mariin namang Itinanggi ni Kim Chiu na sa EDSA siya sumayaw

Kalat na ngayon sa social media ang video ng pagsasayaw ng 30-anyos na aktres na si Kim Chiu na diumano ay ginawa sa gitna ng EDSA.

Screenshots mula sa dance video ni Kim Chiu

Ipinakita sa video na sumayaw ang aktres sa saliw ng kanta niyang “Bawal Lumabas” na hango sa kontrobersyal niyang pahayag na may kinalaman sa pagsasara ng ABS-CBN. Makikita rin sa video ang maraming sasakyan sa dakong harapan ng nakahintong Sports Utility Vehicle (SUV) ng aktres.

Nakasuot ng workout clothes at tsinelas ang aktrers habang sumasayaw.

Nagbigay ng reaksyon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nang mapanood ang video ng pagsasayaw ni Kim Chiu.

Ayon kay MMDA spokeperson Celine Pialago, aalamin nila ang katotohanan sa likod ng viral video…kung totoong sa EDSA ginawa ang pagsasayaw. Iimbitahan umano si Kim Chiu upang marinig ang panig nito.

“We have so many problems that should be addressed and for the meantime, this is our reaction to the issue concerning actress Miss Kim Chiu. We will verify the truth about the report. We will check if this video of Miss Kim Chiu really happened on EDSA. We will invite her to explain her side then we will act accordingly,” pahayag ni Pialago.

Screenshot ng Instagram post ni Kim Chiu

Mariin namang pinabulaan ng aktres na sa EDSA siya sumayaw. Sa isang Instagram post, sinabi niya na sa isang parking lot ng isang establisimyento (Tipsy Pig) nangyari ang pagsasayaw niya. Personal umano siya roong nag-deliver ng “Bawal Lumabas” t-shirts.

“Bakit ako sasayaw sa gitna ng EDSA. Takot ko lang. Diyos ko. Please stop spreading fake news. Please lang. Moms @iamangelicap sa EDSA daw ‘yung parking lot ng tipsy pig? Kaya pa ba? Ikaw na nagdeliver ng merchandise, ikaw pa pagbibintangan ng fake news. Hay, life. Hindi po biro magbenta ng merch. First time kong ginawa ‘to pero okay lang I know this is for a good cause. Let’s spread love not hate. COVID ang kalaban natin, hindi ang kapwa tao. Please lang, stop spreading fake news” post ni Kim Chiu.

Ayon pa sa aktres ang mapagbebentahan ng “Bawal Lumabas” merchandise ay ido-donate sa mga apektado ng COVID-19 pandemic.

Loading…