KitKat ng masa: Minsan mo na rin bang naging baon noong elementary ang chocolate na ‘Pik-One?’

  • Binalikan ng mga netizen ang kilalang chocolate brand na ‘Pik-One’
  • Marami kasing batang 2000s ang nagbaon nito sa eskwela noon, lalo na ang mga nasa elementary
  • Marami silang matatamis na alaala sa nasabing mura pero masarap na chocolate na pantapat sa brand na KitKat

Masayang matuto ng mga aralin sa eskwela. Ngunit aminin man natin o hindi, isa sa mga motibasyon natin para pumasok sa paaralan ay ang ating baon lalo na sa mga paslit pa lamang. Kapag espesyal ang baon mo, siguradong aktibo ka at hindi na isyu kung kulang pa ba ang tulog mo bago ka pumunta sa school o kung anumang dahilan para tamarin ka.

At ang espesyal na baon ay hindi kailangang mahal. Sa mga mahilig sa tsokolate, mayroong mga mumurahin pero masarap na brand na mabibili sa eskwela. Isa na rito ang produkto ng Gandour na Pik-One na pantapat sa sikat na tsokolateng KitKat.

Larawan mula sa Facebook page na Ang Dekada 2000s

Tulad ng KitKat, ang Pik-One ay isang wafer na nababalutan ng tsokolate. Maaari itong hatiin sa sticks batay na rin sa hugis ng chocolate. Dahil hindi pa ganoong kilala ang brand at target talaga nila ang masa, mas mura itong ibinebenta.

Lumaganap ang Pik-One sa ilang public school, lalo na sa elementary schools, noong mid at late 2000s. Kasabayan nito ang iba pang Gandour chocolate products tulad ng Safari at TofiLuk. Dahil chocolate wafer, solb ang maraming mag-aaral noon kapag recess time.

Dahil dito, binalikan ng mga netizens ang masarap at abot-kayang chocolate wafer na ito.

Sa post ni Charmaine Peñavera sa Facebook group na Ang Dekada 2000s, inalala nila kung paano sila binusog ng Pik-One noong bata sila.

Marami ang nagpatunay na sikat nga ito sa mga elementary schools noon dahil maliban sa mura, biskwit naman ito kaya pinapayagan sa mga eskwela. Ang iba, kahit daw noong haiskul ay naging paboritong snack at dessert pa rin ang Pik-One.

Larawan mula sa Facebook page na Ang Dekada 2000s

“Ubos lagi baon ko noong elementary sa mga ‘to dati. Hahahaha,” pag-alala ng isang netizen kung gaano niya kapaborito ang Pik-One.

Nabibili pa rin naman ang Pik-One sa bagong packaging nito. Mayroong nabibili sa online shopping sites tulad ng Lazada kaya naman sa mga nagke-crave, pwedeng-pwede pa ring matikman ang chocolate wafer na ito.

Loading…