Lalaking nakatira sa kariton na matagal nang hinahanap ng pamilya, natagpuan dahil sa GMA news program

Screenshot mula sa "24 Oras" video
  • Lalaking sampung taon nang hinahanap ng mga kaanak, natagpuan dahil sa “24 Oras” news program ng GMA Network
  • Naluha ang mga magulang nang malamang sa isang kariton lang naninirahan ang anak
  • Nakapag-usap ang lalaki at mga magulang sa pamamagitan ng video call kung saan binati ng anak ang ama ng “Happy Father’s Day”

Sampung taon na ang nakalipas simula nang iwanan ni Rey Solas ang  kanyang mga magulang at kapatid sa Palawan upang makipagsapalaran sa Maynila. Binata pa siya nang umalis at wala nang nabalitaan pa mula noon ang mga kaanak kung ano na ang nangyari sa kanya.

Screenshot mula sa “24 Oras” video

Subalit, dahil sa news program ng GMA Network na “24 Oras” ay hindi sinasadyang natagpuan si Rey ng kanyang mga kapamilya. Masaya man ay napaluha ang mga magulang ni Rey dahil nakita nila itong sa isang kariton naninirahan, kapiling ang kanyang napangasawa at dalawang anak.

Ayon sa GMA reporter na si Mariz Umali, isa si Rey Solas sa mga kinapanayam niya para sa kanyang report tungkol sa enrollment ng mga mag-aaral sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Nang mapanood ng mga kamag-anak niya sa Palawan ang nasabing panayam sa “24 Oras” ay agad raw na nakipag-ugnayan kay Mariz Umali ang mga magulang ni Rey. Matagal na raw nilang hinahanap ang anak.

“Para akong hinimatay nung nakita namin sa ‘24 Oras.’ Akala namin patay na ‘yan,” umiiyak sa tuwang sinabi ng halos hindi makapaniwalang ama ni Rey.

Sa tulong ng reporter ay natunton si Rey ng mga pinsang residente sa Maynila sa karitong pinaninirahan nito.

Screenshot mula sa “24 Oras” video

“Si Papa kawawa. Iyak nang iyak kahapon pa. Bakit di ka na daw umuwi sa Palawan, akala namin patay ka na. Si Papa matanda na … kahapon pa kami naghanap sa ‘yo. Ngayon wala na silang tulog nung nakita nila sa kariton ka na lang nakatira,” sabi ng pinsan ni Rey na si Jessel Solas Baculao nang sa wakas ay magkita sila.

Dahil nasa Palawan, kinausap ni Rey ang mga magulang at kapatid sa pamamagitan ng video call kung saan ipinakilala niya sa mga magulang ang kanyang asawa’t mga anak.

Pansamantalang maninirahan si Rey at pamilya sa bahay ng mga pinsan sa Maynila at kapag natapos na umano ang pandemya ay uuwi na sila sa Palawan.

Humingi ng paumanhin si Rey sa hindi niya pagpaparamdam sa mga kaanak nang napakatagal na panahon. Kinuha na rin niya ang pagkakataon sa video call na batiin ng “Happy Father’s Day” ang amang matagal nang nangungulila sa kanya.

Screenshot mula sa “24 Oras” video

 

Loading…