Lapid isinusulong ang ‘moratorium’ sa pagbabayad ng student loan sa panahon ng kalamidad

Imahe mula sa Facebook page ni Sen. Lito Lapid
  • Lapid isinusulong ang moratorium sa student loans
  • Ang moratorium ay may bisa sa panahon ng kalamidad
  • Ito umano ang maitutulong ng pamahalaan sa mga kabataang mahihirap

MAYNILA, Pilipinas – Upang makatulong sa patuloy na edukasyon ng mga kabataan at maisalba ang kanilang kinabukasan, nais ni Senador Lito Lapid na itigil muna pansamantala ang pagbabayad sa student loans sa panahon ng kalamidad.

Kamakailan ay ipinanukala ni Lapid ang ‘moratorium’ sa pagbabayad ng student loans sa pamamagitan ng kaniyang Senate Bill 1538 na naglalayong makagaan sa mga pasanin ng magulang sa panahong tulad ng kasalukuyang pandemiya.

Imahe screenshot mula sa Senate website

Ayon sa mambabatas, hindi mapipigilan ang pagdating ng mga kalamidad at ang magagawa ng pamahalaan ay hindi lamang tulungan ang mahihirap na makaahon kung hindi siguruhin na patuloy pa rin ang kanilang edukasyon ng mga bata.

“Karaniwang ang prayoridad ng ating mga kababayan sa ganitong mga panahon ay pambili ng pagkain, gamot at pang-araw-araw na pangangailangan. Habang ang mga gastusin sa edukasyon gaya ng tuition o iba pang bayarin sa paaralan ay isasantabi na muna ng ilang pamilya dahil wala na silang natitirang salapi para dito,” paliwanag ng senador.

Imahe screenshot mula sa Senate website

Ang panukala ni Lapid ay angkop sa panahon ng kalamidad kung kailan isinailalim ng Pangulo ang bansa o ang lokal na pamahalaan (probinsiya o lungsod) sa ‘state of calamity’ o  ‘state of national emergency’.

Ang ‘moratorium’ ay mayroong bisa hanggang 30 araw matapos tanggalin ang deklarasyon ng ‘state of calamity’ o ‘national emergency’.

“Kaya sa pamamagitan ng paglalagay ng moratorium sa students loans ay makakatulong tayo para maisalba kahit papaano ang edukasyon ng ating mga kabataan,” dagdag pa ng actor-politician.

Basahin ang buong probisyon ng Senate Bill 1538 DITO.

Loading…