Localized lockdown ang pinakamabisang paraan para mapigil ang pagkalat ng COVID-19

Imahe mula sa DILG
  • Localized lockdown ang pinakamabisang paraan upang mapigil ang pagkalat ng COVID-19
  • Mayroong 112 locally quarantined areas sa buong bansa
  • Sinabi ng DILG na sa pamamagitan ng tamang pagpapatupad nito ay kayang mahinto ang pagkalat ng COVID-19 sa community level

Sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na ang pinakamabisang paraan upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 ay localized lockdown.

Imahe mula sa DILG

Ayon sa kalihim, napatunayan daw ito sa 112 na lugar sa bansa na isinailalim sa localized lockdown nitong hanggang June 21. Aniya, sa pamamagitan ng tamang pagpapatupad nito ay kayang mahinto ang pagkalat ng COVID-19 sa community level.

“Sa localized lockdown, parang inaasinta natin ang ang COVID-19 kung saan siya nagmumula at napatunayan itong epektibo lalong-lalo na sa 112 lugar kung saan ito ay ipinatutupad. Mabisa talaga ito dahil hinihiwalay natin ang hot zone areas sa ibang lugar sa komunidad upang mapigilan ang paghahawaan,” sabi ni Sec. Año.

Ang localized lockdown, sabi ng kalihim, ay isang “zoning containment strategy” na pinangungunahan ng mga local government units na dinivelop ng National Task Force kontra sa COVID-19.

Ipinaliwanag ni DILG Undersecretary at spokesman Jonathan Malaya na ang localized lockdown ay isang uri ng maliit na enhanced community quarantine.

Imahe mula sa DILG

Maaaring isailalim sa localized lockdown ang isang gusali, isang eskinita, purok, isang barangay, isang siyudad o isang munisipalidad.

Ang mga lugar na nasa ilalim nito ay maaaring ilagay sa kategoryang “critical,” “containment,” buffer zone,” o areas outside buffer zones, ayon sa guidelines ng National Task Force.

Mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas at pagpasok sa mga lugar na nasa ilalim nito, maliban na lang sa mga situwasyong emergency. Ipatutupad ang screening procedures sa lahat ng entry points ng lugar at ipaaalam sa mga residente ang mga boundary ng critical zones.

Sinasabi rin sa guidelines ng National Task Force na dapat tiyakin ng local government na ang lahat ng tao sa locally quarantined areas ay mabibigyan ng access o masusuplayan ng mga essential goods and services.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Sa pagpapatupad ng localized quarantine, dapat magkaroon ang mga LGUs ng Quick Response Team na kinabibilangan ng Health Promotion and Prevention Team; Disinfection Teams; Swabbing Teams; Contact Tracing Teams; Medical Evaluation Teams; Law and Order Teams; Barangay Health and Emergency Response Teams, at Social Amelioration/Support Teams.

“Mahirap din namang basta-basta lang tayong magdeclare ng localized lockdown na walang sistema sa lugar,” sabi ni Usec. Malaya.

 

Source :

DILG, Inquirer

Loading…