Lopez pinag-recite ni Rep. Marcoleta ng unang linya ng ‘Panatang Makabayan’

Imahe screenshot mula sa YT
  • Gabby Lopez pinag-recite ng linya sa Panatang Makabayan
  • May maikiling pagtatalo namang namagitan kina Rep. Marcoleta at Rep. Zarate
  • Patuloy namang iginigiit ni Lopez ang pagkiling sa Pilipinas

MAYNILA, Pilipinas – Patuloy na umiinit ang pagdinig sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN sa Mababang Kapulungan na humantong na rin sa pagkuwestiyon sa citizenship ni Gabby Lopez, ang chairman emeritus ng higanteng media outlet.

Sa isinagawang joint hearing ng  committee on legislative franchises at ng Committee on Good Government and Public Accountability nitong Lunes, nagkaroon ng maikling pagtatalo sina Deputy Speaker at SAGIP Partylist Rodante Marcoleta at Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate.

Si Marcoleta ang isa sa pangunahing kumukontra sa pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN habang si Zarate naman ay sumusuporta rito.

Rep. Marcoleta| Imahe mula sa HOuse of Rep. website

Nangyari ang palitan ng salita matapos gisahin ni Marcoleta si Lopez kung kanino ito papanig – sa Pilipinas ba o sa Estados Unidos – lalo pa’t ang huli ay mayroong dual citizenship.

Para lamang matapos na ang isyu, hiniling ni Marcoleta  kay Lopez na bigkasin nito ang unang linya sa ‘Panatang Makabayan’.

“Ganito na lamang po, para matapos tayo sa issue ng allegiance, mawalang galang na po, Mr. Lopez, puwede ba naming hilingin sa inyo na i-recite ninyo ang unang linya ng Panatang Makabayan?” wika ng mambabatas.

Hindi naman kaagad nakasagot si Lopez na naging hudyat kay Marcoleta para alukin si Zarate na tumulong: “Congressman Zarate, baka gusto n’yo nang tulungan.”

REp. Zarate| Imahe mula sa Wikipedia

Makaraan ang ilang sandaling pananahimik ay nagsalita rin si Lopez: “Iniibig ko ang Pilipinas.”

Subalit hindi ikinatuwa ni Zarate ang ‘side comment’ ni Marcoleta kaya hiniling nito sa komite na tanggalin ang sinabi ng huli. Kinuwestiyon naman agad ni Marcoleta ng ginawang hakbang ni Zarate.

Bago pa man uminit ang pagtatalo sa pagitan ng dalawang mambabatas ay sinuspindi na pansamantala ni House Committee on Good Government and Public Accountability chair Jonathan Sy-Alvarado ang hearing.

Nang muling magsimula ang pagdinig, nilinaw ni Marcoleta na tinuruan si Lopez ng abogado nito.

“Noong tinanong ko ang unang linya ng Panatang Makabayan, ni-coach ng abogado ni Mr. Lopez yung ‘Iniibig ko ang Pilipinas.’ Yung abogado ang nagbulong sa kanya,” giit ng mambabatas.

Samantala, patuloy namang iginiit ni Lopez na nananatili ang kaniyang katapatan at pagkiling sa Pilipinas kahit pa ipinanganak siya sa Amerika. Ang ama’t ina ni Lopez ay parehong Pilipino kaya siya nauwi sa pagkakaroon  ng dual citizenship.

Loading…