Lumang larawan ng magkakapatid na nakahilera batay sa tangkad, kinaaliwan

  • Kinaaliwan ang isang lumang larawan sa Facebook page na “Memories of Old Manila and Beyond” 
  • Batay sa pagsasaliksik, anak ito ng isang kapitan na namuhay noong panahon ng mga Espanyol sa Pilipinas
  • Nakahilera ang pitong magkakapatid batay sa kanilang tangkad

Sabi ng ilan, masaya ang magkaroon ng malaking pamilya. Noong unang panahon, nakapagtataka ang nagiging mga anak ng ating mga ninuno. Kayang-kayang manganak ang nanay ng pito hanggang labindalawang supling, lalo’t ikokonsidera na  hindi pa moderno ang teknolohiya at medisina noon.

Ang ilan pa nga, isa o dalawang taon lamang ang pagitan ng panganganak. Ang nagpapaanak sa mga buntis ay tinatawag na hilot o komadrona.

Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizens ang lumang larawang ibinahagi sa Facebook page na “Memories of Old Manila and Beyond” kung saan makikita ang magkakapatid na babae’t lalaking nakahilera batay sa kanilang tangkad, na sinaliksik ng nagngangalang “Romeo del Carmen.”

Ang naturang larawan ay circa 1915 pa.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila and Beyond

“The 7 children of Captain Manuel M. Villavicencio, who used to do surveying works under the direction of the Spanish Philippine Hydrographic Commission. Circa 1915,” ayon sa caption.

Namangha naman ang mga netizens sa maayos na pagkakahilera ng pitong magkakapatid sa larawan, na apat na babae at tatlong lalaki. Parehong babae ang panganay at bunso. Siguro, sinabi ng photographer nang kunan niya ang mga ito ng larawan na “Find your height.”

Nagkomento naman dito ang mga netizens na talaga namang naaliw sa larawan.

“It reminds me of the Von Trapp Children, in the movie The Sound of Music,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Ang cute ng formation nila, para silang mga hagdan! Naku, kayang-kaya rin naming magkakapatid iyan, kasi 12 kaming magkakapatid.”

“Naalala ko na naman kaming magkakapatid. Ganiyan din kami. Sampu kasi kaming magkakapatid na talaga namang nagpapasakit sa ulo ng aming Nanay dahil kapag nagsabay-sabay na kami, riot talaga ang buong kabahayan,” pagbabahagi naman ng isa.

Ang binanggit ng mga netizens na “The Sound of Music” ng mga netizens ay isang American musical drama movie noong 1965, na halaw naman sa memoir na “The Story of Trapp Family Singers” ni Maria von Trapp. Kuwento ito ng isang dalagang naging tagapangalaga ng pitong anak ng isang retirado at biyudong naval officer, na hindi naglaon ay napangasawa niya.

Public Domain Image

Sa Pilipinas naman, sumikat ang pelikulang “Ang Tanging Ina” ni Ai Ai Delas Alas sa ilalim ng Star Cinema, at ipinalabas noong 2003. Nagkaroon din ito ng tatlo pang sequel o karugtong. Kuwento ito ni Ina Montecillo na nakapangasawa ng tatlong beses kaya nagkaroon ng sampung anak. Ibinatay ang mga pangalan sa pagkakasunod-sunod ng pagkakasilang sa kanila.

Loading…