Mahigit 200K “lockdown babies” inaasahang isisilang sa bansa sa susunod na taon

Screenshot mula sa video ng GMA News TV
  • Inaasahang aabot sa 214,000 “lockdown babies” ang isisilang sa Pilipinas sa susunod na taon
  • Sinabi ng PopCom na nasa 2 million kababaihan nationwide ang gumagamit ng contraceptives
  • Dahil nagkaproblema sa pagkuha ng supply ng contraceptives, magreresulta ito sa unplanned pregnancies

Tinatayang aabot sa 214,000 na sanggol mula sa unplanned pregnancies ang inaasahang isisilang sa bansa sa susunod na taon bunsod ng ipinatupad na enhanced community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic, sabi ng isang opisyal ng Commission on Population (PopCom).

Screenshot mula sa video ng GMA News TV

Ayon kay PopCom Executive Director Juan Antonio Perez III, maraming mga kababaihan ang nawalan ng access sa contraceptives simula nang magpatupad ang gobyerno ng ECQ.

“Nakikita namin na dahil maraming mga kababaihan na maaaring magkaproblema sa pagkuha ng supply ng cond0m or pills – may 2 million kababaihan ang gumagamit nito sa buong Pilipinas – kung mahihirapan silang kumuha nito ay tataas ang bilang ng tinatawag naming unmet needs sa family planning,” aniya.

At batay nga raw sa ginawang pag-aaral ng PopCom pati na ng University of the Philippines Population Institute (UPPI) ay posibleng mahigit two hundred thousand babies ang madadagdag na pagbubuntis sa susunod na taon.

Inaasahan din umano ng komisyon na tataas din ang bilang ng pagbubuntis  ng mga teenager, ngunit posibleng hindi ito gaanong kataas tulad ng mga nakaraang taon dahil na rin sa ECQ. Dahil sa lockdown, ang mga magulang ay nasa bahay lang kaya mas nabantayan nila ang teenager nilang mga anak.

Screenshot mula sa video ng GMA News TV

Ipinaliwanag ni Perez na ang mga teenager ay hindi nila maaaring bigyan ng contraceptives hangga’t walang pahintulot ang kanilang mga magulang.

Ang three months’ supply ng contraceptives ay dapat kinukuha sa mga health centers, subalit dahil sa lockdown ay ginawang bahay-bahay ang pamimigay. At dahil din sa lockdown 30 percent ng health workers na hindi makalabas ng bahay ang hindi nakapag-serbisyo.

Dahil nananatiling walang kasiguraduhan kung kailan matatapos ang pandemya, hinihikayat ni Perez ang mga kababaihan na gumamit ng “long-acting” contraceptives tulad ng intra-uterine devices at sub-dermal implants upang sa gayon ay hindi na nila kailangang magpabalik-balik sa mga health centers.

Sinabi ni Perez na sa kasalukuyan ay nasa 108.5 million ang populasyon ng bansa at aabot ito sa 109 million sa katapusan ng taong 2020.

Screenshot mula sa video ng GMA News TV

Loading…