Mahilig ka rin bang magpalit ng cellphone casing noon?

Imahe mula sa Facebook | Charmaine Peñaverde
  • Noong 2000s ay nauso ang keypad cellphones
  • Bukod sa basic features nito kagaya ng text messaging at games, marami rin ang nahumaling sa pagpapalit ng casing nito
  • Ibinahagi ng isang netizen ang mga larawan ng lumang cellphone casing, dahilan upang maalala ng marami ang kani-kanilang paboritong disenyo ng ‘housing’

Bago pa man nauso ang iba’t ibang modelo ng smartphones ngayon na kayang kargahan ng samu’t saring applications ay basic keypad cellphones muna ang kinahiligan ng marami noong 2000s.

Imahe mula sa Facebook | Charmaine Peñaverde

Hindi pa uso noon ang Facebook, Messenger, at Viber ngunit sapat na ang text messaging upang makausap ang mga kaibigan at mag-send ng GM o group message. Wala ring camera o mobile games noon kagaya ng Mobile Legends, Call of Duty, at Coin Master ngunit sapat na ang Snake, Space Impact, at Bantumi.

Ngunit bukod sa mga feature na ito ay isa rin sa mga kinahumalingan ng marami ay ang pagpapalit ng cellphone casing. Kung ngayon ay matibay na screen protector at cellphone casing ang hinahanap, noon ay kaniya-kaniyang pili ng paboritong kulay, anime, o cartoon character.

Sa Facebook group na We are 2K – Ang Dekada 2000s, sinariwa ng netizen na si Charmaine Peñaverde ang mga panahon na mahilig magpalit ng cellphone casing ang mga may-ari ng Nokia phones.

“Mahilig ka bang bumili at magpalit ng mga phone casing para sa Nokia cellphone mo noon?” tanong niya.

Imahe mula sa Facebook | Charmaine Peñaverde

Tugon ni Malia J, “Feeling rich na kapag may maganda at astig na case noon.”

Kuwento naman ng ilan, cartoon character ang madalas nilang bilhin na cellphone casing noon. Si R. Esteban, Hello Kitty ang binibili, habang si J. Villanueva naman ay Winnie the Pooh ang disenyong  ibinibihis sa kaniyang cellphone.

Kung may ilan na pumipili ng kanilang paboritong character, may ilan din namang simpleng mga housing ang gusto.

“3310. Love it! Although I prefer basic housing,” sabi ni J. Tuazon. “Ka-miss. Pero mas type ko yung plain and simple lang na case,” pagsang-ayon naman ni Jowell J.

Noong 2017 ay nagbalik ang “re-imagined” 3310. Kung bibigyan ka ng pagkakataon na bilhan ito ng bagong casing, anong disenyo ang pipiliin mo?

Source :

Facebook

Loading…