“Mas lalo siyang malakas”: Filipino doctor pinabulaanan ang pahayag ng Italian doctor na humihina na ang COVID-19

  • Pinabulaanan ng Pinoy doctor ang pahayag ng Italyanong doktor na humihina na ang COVID-19
  • Ani Dr. Rontgene Solante, mas lalong lumalakas ang COVID-19 na pupuwedeng makahawa anumang oras
  • Nagbabala pa siya na baka hindi na mawala ito at maging parte na ng new normal

Naniniwala ang isang Pinoy doctor na hindi humihina ang COVID-19; bagkus ay lalo itong lumalakas at mabilis pa rin ang pagkalat nito.

Image by Tots Sanin Blanca via Facebook

“Ang virus hindi humihina. Hindi nagbabago ang anyo. Hanggang nandito siya sa environment, hanggang nandito siya sa katawan ng tao, mas lalo siyang malakas na puwede nating makuha anytime,” pahayag ni Dr. Rontgene Solante sa Dobol B sa News TV.

Nagtatrabaho si Solante bilang pinuno ng Adult Infectious Diseases and Tropical Medicine Section ng San Lazaro Hospital dito sa Pilipinas.

Nasabi pa ng San Lazaro official na posibleng magtagal pa ang COVID-19 pandemic at maaaring hindi na ito mawala at maging parte na ng tinatawag na new normal.

Taliwas ang pahayag ng Pinoy doctor sa pahayag ng ilang iba pang doktor na humihina na ang COVID-19 at nababawasan na ang apekto nito sa tao.

Batay sa TV 5 News, sinabi ni Dr. Alberto Zangrillo ng San Raffaele Hospital sa Milan, Italy na unti-unti nang nawawalan ng lakas ang COVID-19 at “clinically no longer exists in Italy” na ito.

Sabi ni Zangrillo sa RAI television, “The swabs that were performed over the last 10 days showed a viral load in quantitative terms that was absolutely infinitesimal compared to the ones carried out a month or two months ago.”

Image by Alberto Zangrillo via Facebook

Samantala, sinabi naman ng isang mataas na opisyal sa Italya na masyado pang maaga para sabihing nakamtan na ang tagumpay.

Ani Sandra Zampa ng health ministry ng Italya, ipagpapatuloy pa rin nila ang pag-iingat kagaya ng pagsunod sa physical distancing, pagbabawal sa pagsasama-sama ng maraming tao, palagiang paghugas ng kamay at pagsusuot ng face masks sa mga pampublikong lugar.

Imahe mula sa Medscape

Loading…