Masarap pero pahirap: Naranasan mo na rin bang mahirapan sa pagbubukas ng meatloaf na delata?

  • Trending ngayon sa social media ang karanasan ng isang netizen sa pagbubukas ng meatloaf
  • Kapag daw kasi inaalis na niya sa lata ang karne, nagkakagutay-gutay na ito
  • Relate naman ang maraming netizens dahil maging sila ay nahihirapan daw talaga sa pagbubukas ng delatang ito

Ngayong may kinahaharap na pandemya ang bansa, isa sa mga inaasahang mapagkukuhanan ng makakain ay ang ayuda mula sa pamahalaan at ilang organisasyon. At kapag pag-uusapan ang relief goods, hindi mawawala riyan ang mga delata.

Sa mga delata, isa sa pinakasikat ay ang meatloaf. Maliban kasi sa instant ito, masarap din ang lasa at paborito ng mga mahihilig sa karne. Gayunman, kahit patok ang lasa nito, hindi naman maitatanggi na isang pagsubok ang pagbubukas at pag-aalis ng karne sa mismong lata.

Larawan mula sa Facebook post ni John Ericson Aralar

Ganito ang pinagdaanan ng netizen na si John Ericson Aralar na ibinahagi niya sa kanyang Facebook post.

Makikita ang larawan ng isang kilalang brand ng meatloaf na nakabukas na. Nasa chopping board na rin ang meatloaf ngunit hindi na loaf ang hugis nito at gutay-gutay na.

Pahayag ni John Ericson, isa raw talaga sa pinakamalaking hamon sa paghahanda ng meatloaf ay ang pag-aalis nito sa lata. Lagi raw talagang nagkakaganito ang karne kapag tinatanggal na niya kahit gamitan pa ng punyal bilang pambukas ng lata at pangsukit sa karne.

“Ako lang ba o pinagdaanan mo rin ito?” tanong ni John Ericson sa kanyang viral post na sa kasalukuyan ay may halos 3,000 reactions na karamihan ay ‘haha,’  1,000 comments, at 9,300 shares.

Kanya-kanya namang bahagi ng kanilang opinyon at karanasan ang mga netizen. Ang iba ay relate na relate na sa pinagdaraanan ni John Ericson sa paghahanda ng meatloaf. May masahol pa nga raw ang histura ng karne kapag sila ang nag-aalis.

Larawan mula sa YouTube

Ang ilan ay hinahayaan na lang daw na ganito ang maging kinalabasan dahil matutunaw din naman ito sa tiyan at hindi naman daw nakababawas sa sarap ng meatloaf. Habang ang ilan ay napahugot na may mga bagay daw na kahit di perpekto ay mananatili mong paborito.

“Pwede rin naman yang iluto eh. Yan nga yung ginagawa ko palagi. I-mash mo tapos lagyan mo ng itlog tsaka mo iprito,” payo ng isang netizen.

Ikaw, minsan ka na bang pinahirapan ng paghahanda ng meatloaf?

Loading…