Mayor Magalong nalungkot sa pagputol ng puno para sa condo ni Villar sa Baguio

Imahe mula sa Facebook post ng PIO-Baguio|Dave Leprozo Jr
  • Magalong dismayado sa pinutol na puno sa Baguio City
  • Ito ay para bigyang daan ang pagpapatayo ng isang condo sa lugar
  • Ang naturang proyekto ay pag-aari ng pamilya Villar

Dismayado ang alkalde ng lungsod ng Baguio matapos umanong putulin ng kompanyang pag-aari ng mga Villar ang mahigit 50 pine tree para bigyang daan ang pagpapatayo ng isang condominium doon.

Sa isang post na ibinahagi ng pamahalaang lokal ng Baguio, nakasaad dito ang naging pahayag ni Magalong sa pagputol ng 54 pine tree para sa proyektong Vista Residences Inc. sa Outlook Drive barangay.

Imahe mula sa Facebook post ni Dave Leprozo Jr

“We are saddened because we feel it is a big blow to our Regreening Master Plan amidst our request to the Office of the President for a tree-cutting moratorium,” ani Magalong.

Dagdag pa ng alkalde, kailangan umanong bilisan na ang implementasyon ng kanilang panukalang moratorium para sa pagpuputol ng mga puno at maging sa pagpapatayo ng mga high-rise na gusali sa lungsod.

“While the proposed moratorium has been taken over by this health crisis, we need to follow this up to ensure that our remaining trees will be preserved,” wika ng opisyal.

Imahe mula sa Facebook ng PIO-Baguio

Kabilang sa pinutol na puno ng Vista Residences Inc. ay ang 53 na Benguet pine tree at 1 Norfolk pine tree.

Base sa rekord ng lungsod, ang may-ari ng lupa ay naisyuhan ng Environmental Compliance Certificate (ECC) noong 2017, barangay certificate noong Sept. 11, 2018 at mayor’s clearance noong Oct. 1, 2018.

Imahe mula sa Facebook post ni Dave Leprozo Jr

Samantala, sa isang pagpupulong kasama ng DENR-CAR nitong Hunyo 25, hiniling ni Magalong sa may-ari, na kinakatawan ni Engr. Ferdinand Salcedo, na doblehin at gawing 200 ang punong itatanim kapalit ng bawat isang punong naputol.

Ang Vista Residences Inc. ay pag-aari ng Vista Land ni dating Senador Manny Villar, ang mister ni Senador Cynthia Villar, na kasalukuyang chairperson ng Senate Committee on Environment and Natural Resources.

Loading…