Mayor Vico Sotto sa kaniyang kaarawan: ‘Wala munang surprise party, please’

Imahe mula sa Facebook at Instagram | Vico Sotto
  • Hiniling ni Pasig City Mayor Vico Sotto na huwag siyang bigyan ng surpresa para sa kaniyang kaarawan dahil bawal pa ang mass gathering sa ilalim ng GCQ
  • Food packs para sa mga nangangailangan naman ang nais niyang matanggap na regalo
  • Sa Instagram, ipinaabot ng kaniyang inang si Coney Reyes ang pagbati para sa anak

Ipinagdiriwang ngayon ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang kaniyang ika-31 kaarawan at mahigpit na paalala niya, huwag siyang isurpresa dahil bawal pa ang mass gathering sa ilalim ng general community quarantine.

Imahe mula sa Instagram | Vico Sotto

“Pakiusap na wala munang celebration o surprise party. Hindi naman ako mahilig sa party at higit pa rito, bawal pa ang mga mas gathering. Buhay na buhay pa si COVID, mga kaibigan,” sabi niya sa isang post sa Facebook.

“Papunta na po ako sa office ngayon. Kung may binabalak kayo, itigil n’yo na ‘yan,” dagdag niya pa.

Matatandaang naging kontrobersyal ang ginanap na mañanita para kay NCRPO chief Debold Sinas noong kaniyang kaarawan.

Sa mga nag-iisip naman ng regalo para sa alkalde, aniya “Sa mga nagtatanong kung ano ang gusto kong regalo, bumili na lang po kayo ng grocery food pack at ipamigay sa nangangailangan (pwede n’yo i-drop off sa RED o sa mayor’s office; kung ano ang mas convenient).”

Imahe mula sa Instagram | Coney Reyes

Sa Instagram naman ay ipinaabot ng kaniyang inang si Coney Reyes ang pagbati sa anak sa pamamagitan ng pagbabahagi ng childhood photos ni Vico.

“I will always be here praying for you, helping you in any and every way that I can. I love you so much, son. I praise and thank God for you every day,” sabi ng batikang aktres.

May kalakip din itong berso mula sa Psalm 20:4-5. “May He give you the desire of your heart and make all your plans succeed. We will shout for joy when you are victorious and will lift up our banners in the name of our God. May the Lord grant all your requests.”

Maligayang Kaarawan, Mayor Vico!

 

Loading…