Mga mangingisda, “frontliners” din gaya ng mga magsasaka

  • Maituturing umanong frontliners ang mga mangingisda
  • Ginunita nitong Mayo 31 ang “National Fisherfolks’ Day”
  • Nanawagan ang isang mangingisda na tulungan din sila dahil naapektuhan din ang kanilang kabuhayan dahil sa pandemya

Kung iisa–isahin ang mga trabahong tinatawag ngayon na “frontliners”, tiyak na mangunguna sa listahan ang mga medical at healthcare workers, sundalo, pulis, grocery staff, fast food crew, delivery riders, at marami pang iba na bahagi ng “skeletal workforce.” At sana, huwag din nating kalimutang frontliners din ang ating mga mangingisda, bukod pa sa mga magsasaka.

Itinampok sa “CNN Philippines” ang mga magsasaka lalo na’t ang Mayo 31 ay itinuturing na “National Fisherfolks’ Day” o “Pambansang Araw ng mga Mangingisda.” Hindi lamang sila maituturing na frontliners kundi mga tunay na bayani dahil sila ang nagbibigay ng mga kakaining isda ng mga tao sa arawaraw, lalo na sa panahon ng community quarantine.

Public Domain Imahe

Ayon sa panayam sa isa sa mga mangingisda at pinuno ng pamayanan na si Robert “Ka Dodoy” Ballon mula sa Kabasalan, Zamboanga Sibugay, hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga kapwa niya mangingisda na naapektuhan ng COVID-19 health emergency ang kita.

Hinikayat niya ang mga kapwa mangingisda na ipagpatuloy lamang ang ginagawa upang mabantayan din ang coastal areas at maprotektahan ang marine sanctuaries upang patuloy na makapangisda at hindi mawalan ng suplay ng isda bilang isa sa mga pangunahing pagkain ng mga tao.

Nahirapan umano ang mga mangingisda na gumalaw at maibenta ang kanilang mga huling isda at iba pang mga lamang–dagat dahil na rin sa ipinatupad na community quarantine, Kaya naman, nananawagan din sila ng tulong mula sa lokal na pamahalaan, na mabigyan din sila ng pinansiyal na ayuda.

Hindi naman sila binigo ng mga lokal na opisyal. Binili na mismo ng lokal na pamahalaan ang kanilang mga huling lamang–dagat at isinama sa relief goods na ipinamimigay nila sa bawat pamayanan. Nakatulong na sa mga mangingisda, matitiyak pang masustansiya ang makakain sa hapag-kainan ng bawat pamilya at hindi puro de-lata.

Public Domain Image

Ang Pilipinas, bilang isang arkipelagong bansa o kapuluan, ay maituturing na agrikultural dahil sa matatabang lupang narito, at napalilibutan ng mga anyong-tubig kagaya ng karagatan. Katulad ng pagpapahalaga sa bigas na pinagpala ng mga magsasaka, huwag ding “maarte” kung isda ang ulam; isipin mo na lamang ang mga mangingisdang nagpakapagod at nanganib ang buhay sa laot o pusod ng karagatan may maiulam ka lamang.

Samantala, panoorin ang kabuuang mensahe ni Ka Dodoy sa panahon ng COVID-19 via YouTube channel:

Loading…