Mga netizens, naalarma sa mga dummy social media accounts na nakapangalan sa kanila

  • Natuklasan ang mga pekeng social media accounts ng maraming netizens
  • Naging target umano ang mga mag-aaral, guro, at alumni ng Unibersidad ng Pilipinas at iba pang mga state universities
  • Hinihikayat ang mga netizens na agad i-report ang mga naturang dummy accounts upang mawala ito

Naalarma ang mga netizens sa natuklasang mga dummy Facebook at Twitter accounts na nakapangalan sa kanila, blangko, at walang ibang mga detalye o impormasyong nakalagay o nakasaad dito.

Una itong napansin ng mga mag-aaral at alumni ng University of the Philippines, pagkatapos ng pagkakahuli sa mga mag-aaral ng UP Cebu na nagsagawa ng kilos-protesta noong Biyernes, Hunyo 5, 2020 laban sa ipinapasang “Anti-Terror Bill o mas kilala bilang “Anti-Terrorism Act of 2020.”

Imahe mula sa official facebook page ng University of the Philippines / Public Domain Image

“Dozens of empty duplicate accounts bearing active usernames of UP Cebu students surface tonight. Victims speculate that this might involve identity theft or targeted attacks against UP students,” ayon sa ulat ng Tug-ani, opisyal na student publication ng UP Cebu sa Facebook page nito.

Pagkatapos nito, natuklasan din ng napakaraming mga netizens, na alumni ng iba’t ibang mga state universities at iba pang aktibo sa pagpapahayag ng kanilang mga opinyon, na may mga dummy accounts nga sila, na karamihan ay isa hanggang limang accounts o mahigit pa. Palatandaan nito na walang larawan at walang kahit na anong nakalagay na impormasyon dito.

Kaugnay dito, agad na naglabas ng public advisory ang official Facebook page ng UP upang paalalahanan ang kanilang mga mag-aaral, faculty, alumni, at maging ang publiko na mag-ingat at ireport kaagad ang mga naturang dummy social media accounts na maaaring magamit laban sa mga tao.

“The University of the Philippines System has received reports that fake or dummy Facebook accounts have been created for UP students, officials, and alumni. We urge the members of the UP community to check their names and accounts and to make the proper report to the Data Protection Officer of Facebook,” ayon sa unang talata.

Sa pagpapatuloy, “Rest assured that the UP System Data Protection Officer has reached out to the Philippine National Privacy Commission to help students and alumni report fake or dummy accounts in their name to the DPO of Facebook.”

Iniulat naman ng “Move.Ph” ang iba’t ibang mga threatening messages na natanggap ng ilan nilang journalist at ilan pang mga mag-aaral sa ibang pamantasan na nagpapahayag ng pagtutol at pagbasura sa kontrobersiyal na bill, bagay na talaga namang nakaaalarma.

Imahe mula sa Move.Ph

Paano nga ba ireport ang naturang mga dummy accounts?

Magtungo lamang sa profile ng naturang dummy accounts. I-click ang tatlong tuldok o dots na makikita sa ilalim ng cover photo at piliin ang “Find Support or Report Profile.” Sundin lamang ang mga on-screen instructions na lilitaw rito.

Makatutulong din na mag-ingay sa orihinal at lehitimong social media accounts upang malaman ng mga friends na iisa lamang ang iyong account. Tingnan ding maigi ang mga detalye sa profile at kung maaari ay alisin na lamang ito upang hindi magamit ng mga impostor. Huwag basta-basta mag-accept ng friend request lalo na kung hindi naman ito personal na kakilala. Sa panahon ngayon, kailangang doble-ingat.

Loading…