Naaalala mo pa ba kung paano ka natutong magbasa?

  • Nagpanumbalik sa alaala ng mga netizens ang isang larawan ng batang umiiyak habang nagbabasa
  • Ang binabasa ng bata ay ang sikat na dilaw na libreta na “Abakada” na ginagamit sa pagtuturo upang makabasa ang mga anak
  • Ibinahagi ng ilang mga netizens ang kanilang mga pansariling karanasan hinggil dito

Isa sa mga makrong kasanayang kailangang malinang sa pagkabata pa lamang ang kasanayan sa pagbabasa, na mahalaga rin gaya ng pakikinig, pagsasalita, pagsulat, at panonood. Isa ito sa mga kasanayang ginagamit sa pagkatuto ng iba’t ibang kaalaman sa mundo.

At kung napag-uusapan ang pagbabasa, tiyak na marami sa atin ang magsasabing hindi nila malilimutan ang mga sandaling natuto sila nito sa tulong ng tinaguriang mga unang guro sa tahanan- ang ating mga ina! Kagaya na lamang sa ibinahaging larawan sa Facebook page na “Papa” kung saan makikita ang isang babaeng naiiyak na dahil hindi niya siguro mabasa–basa ang salita sa mahiwagang aklat na “Abakada”.

Imahe mula sa Facebook page na Papa / Public Domain Image

Ayon sa caption, “Okay lang ‘yan kapatid, ganyan din ako dati huhuhu!” kung saan nagbunsod sa mga netizens upang balikan at sariwain ang kanilang mga karanasan kung paano sila natutong magbasa noong sila ay bata pa.

“This is a reflection of how the Filipinos value education. Basic reading, basic writing, counting, and arithmetic are regarded essential in our lives. Except from them, the medium-level and more advanced lessons in schools are seen as unnecessary,” sabi ng isa.

Pagbabahagi naman ng isa, “Naku naaalala ko pa noon, nagtatago na ako kapag inilabas na ni Nanay ang dilaw na libreta, ang Abakadang Pilipino! Ngayon yata hindi na Abakada ang tawag, Alpabetong Pilipino na.”

“Sabi nga, learning is always a ‘painful’ process, tiis-galing lang hahaha. Noon, ginagawang pisara ni Nanay ang papag namin. Bago kami maglaro, kailangan muna naming makabasa, mga sampu hanggang dalawampung bagong salita. O kaya naman, may mga ibinabalik siyang salita para malaman kung natuto ba kami. I miss those days!” turan naman ng isa.

Public Domain Image

Saad naman ng isa, “Iyan ang alamat ng kurot at sigaw noon hahaha at least natuto. Naranasan pa namin noon na mapaluhod sa batyang punumpuno ng munggo, o malagyan ng mga aklat sa bisig habang naka-squat. Ngayon, masyado nang entitled ang kabataan ngayon, porke’t marami na silang alam dulot ng teknolohiya.”

Para sa mga ina, maraming paraan upang maturuang bumasa ang mga bata. Kung sa tradisyunal na paraan, bukod sa mga kinamulatang babasahing gaya ng Abakada ay maaari ding gumamit ng flash cards o mga ginupit na letra. sa modernong paraan naman, maaaring magsaliksik ng mga babasahin o apps sa internet upang magawa ito. Basta’t tandaang mahalaga ang wastong paggabay at patnubay ng mga magulang sa panahong ito ng pagkatuto.

Ikaw, anong naaalala mo noong bata ka pa? Paano ka natutong magbasa?

Loading…