Nakatikim ka na ba ng ginataang lubi-lubi?

  • Itinampok ng isang netizen ang isang uri ng dahon na tinatawag na “lubi-lubi”
  • Maaari daw itong gawing ginataan, na ginagawa naman sa lalawigan ng Bicol
  • Nagbahagi naman ang ilang mga netizens sa katawagan nito sa ibang mga lalawigan

Kung inaakala mong isang awiting-bayan lamang ang “Lubi-Lubi”, diyan ka nagkakamali! Alam mo bang isang uri din ito ng dahon na maaaring kainin at gawing masarap na ulam?

Iyan ang itinampok ng netizen na si “Lany Lee” matapos niyang ibahagi sa Facebook page na “Memories of Old Manila” ang mga dahon ng lubi-lubi, na ayon sa kaniya ay masarap na gawing ulam. Ayon sa kaniyang caption, “Masarap po itong gulay na gataan. Ano po ang tawag ninyo nito sa inyong lengguwahe?”

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila / Public Domain Image

Nagbigay naman dito ng reaksyon at komento ang mga netizens.

“Sa Bicol po, ang tawag diyan ay lubi-lubi, at masarap po iyan kapag ginataan. Tapos lalagyan ng iba pang mga pampalasa at pampaanghang. Sarap!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Niyog-niyugan sa Mindoro, Laguna at Quezon, sa Bicol naman lubi-lubi tawag diyan masarap na luto diyan ay ginataan. Wow!”

“Sa Dampol, Betis ang tawag diyan. Inilalagay namin sa sinigang,” pagbabahagi naman ng isa.

Saad naman ng isa, “Marami niyan sa Zambales, tungkod langit naman ang tawag, masarap sa gata ang pinaka talbos o pinakadahon.”

Tinatawag ang naturang dahon na “lubi-lubi” sa Bicol o licus pseudopalma na kilala bilang halamang ornamental o pampalamuti. Sa Bicol, ginagawa itong ginataan.

Upang makagawa ng ginataang lubi-lubi, ihanda ang mga sumusunod na mga sangkap: 1 bungkos ng dahon ng lubi-lubi, isang kutsarita ng bagoong alamang, 1/4 kilo ng liempo na manipis ang pagkakahiwa (o kaya naman ay simpleng tinapa lamang o pinausukang isda), 3 tasa ng gata o coconut milk, bawang, sibuyas, at siling labuyo.

Public Domain Image

Para naman sa mga hakbang ng pagluluto nito, hugasang maigi ang mga dahon ng lubi-lubi at hiwain ito sa tatlo hanggang apat na piraso. Ilagay ito sa kaserola o palayok na paglulutuan at nakasalang na sa apoy. Ilagay ang bagoong alamang, bawang, at sibuyas. Pagkaraan, ilagay ang liempo o tinapa gayundin ang gata.

Takpan lamang ang pinaglutuang kaserola o palayok ng ilang minuto at hayaan itong kumulo. Tingnan at suriin kung malambot na ang liempo, at kung ito ay luto na, lagyan ng iba pang mga pampalasa. Maaari na itong ihain kasama ang mainit na kanin!

Loading…