Nanay hinikayat ang publiko na huwag magkumparahan ng mga anak

  • Ibinahagi ng isang ina ang kumbersasyon nila ng isang kakilala ring ina, na nagkukumpara sa kanilang mga anak
  • Para sa netizen, mas gusto niyang palakihing masaya, mabuti, at mapitagan ang kaniyang anak
  • Huwag daw sanang magkumparahan ng mga anak

Masakit para sa damdamin ng sinumang magulang na maikumpara ang kanilang mga anak sa ibang mga anak ng kapwa magulang, lalo pa’t kung ang paglalarawan ay hindi maganda.

Gaya na lamang ng ibinahagi ng isang nanay na netizen na si “Angel” sa kaniyang Facebook post, batay sa kaniyang mensahe, hindi dapat ikinukumpara ang mga anak sa ibang mga anak dahil iba-iba naman ang paraan ng pagpapalaki ng mga magulang, at iba-iba rin ang katangian ng bawat anak.

Imahe mula sa Facebook account ni Angel Saldariega

“Lakompake (wala akong pakialam) po kung mas matalino kids mo, good for you. Basta happy, righteous, well- mannered at saktong marunong at may alam lang ang kids ko, oks na ako ‘di ako fan ng kumparahan ng anak. It’s a NO for me, hindi po sila lalaking may inggit sa balat hahaha,” ayon sa caption ng kaniyang post.

Kalakip nito ang screenshot ng kanilang conversation thread sa Facebook messenger ng isang nanay rin, na hindi niya tinukoy kung ano ang relasyon sa kaniya. Batay sa mga larawan, tinanong siya ni “Manay” kung ilang taon na ang kaniyang anak. Magalang naman niya itong sinagot na apat na taong gulang.

Sunod na tanong ni “Manay” ay kung marunong nang magsulat ang apat na taong gulang niyang anak. Naging tapat naman ang netizen sa pagsasabing hindi pa; lines-lines pa lamang ang alam, at puro laro pa ang inaatupag. Dito na bumanat si “Manay” na baka late na masyado para sa anak ng netizen, dahil ang kaniyang anak naman ay “memorice” (memorized) na ang pangalan nito, kahit wala pang apat na taong gulang. Bagay na pinuri naman ng netizen.

Hinikayat ni “Manay” ang netizen na ipasok na ang anak nito sa paaralan. Hindi raw ba masakit sa kaniyang damdamin na “nahuhuli” o napag-iiwanan na ang kaniyang anak.

Imahe mula sa Facebook account ni Angel Saldariega

“Manay masyado pa pong maaga para masabi ko na late na ang anak ko kumpara sa ibang bata, salamat po ulit sa concern at nakakatuwa naman po na super proud kayo sa anak ninyo, good job ka po diyan!” tugon ng netizen.

Subalit iginiit pa rin ni “Manay” na late na ang kaniyang anak sa pagkatuto, kaya dapat na itong maipasok sa paaralan gaya ng kaniyang anak. Dito na napika ang netizen kaya tinanong niya nang pasarkastiko si “Manay.”

“Kabisado na po ba ng anak ninyo ang solar system?” tanong ng netizen; bagay na hindi pa rin tinantanan ni “Manay.” Sa puntong ito, blocked na si “Manay” dahil sa kakulitan at tila sarado nitong isipan.

Kaya sa mga magulang, huwag turuang magkumpara ang ating mga anak sa kanilang mga kalakasan at kahinaan sa ibang tao. Sa halip, turuan silang pahalagahan ang talento at mga katangiang ipinagkaloob sa kanila ng Poong Maykapal. Ipaunawa sa kanilang “may ganda sa pagkakaiba-iba” at bawat isang tao ay natatangi.

Source :

Facebook

Loading…