Naranasan mo na bang ngumasab ng pansit habhab?

  • Natakam ang mga netizens sa isang uri ng pansit na itinampok sa isang Facebook page
  • Ito ay tinatawag na pansit habhab o kilala rin bilang pansit Lucban
  • Kinakain ito nang walang kubyertos at sa pamamagitan lamang ng pagngasab

Isa sa mga paboritong pagkain ng mga Pilipino ang pansit. Hindi ito nawawala magmula sa itinitindang almusal at meryenda sa mga karinderya,  hanggang sa mga inihahanda sa mga pagtitipon kagaya ng kaarawan. Wika nga, “pampahaba ng buhay”.

Alam mo bang may 13 uri ng pansit o “noodle dish” na talaga namang tinatangkilik ng mga Pilipino?

Ito ay ang pansit bihon o guisado, pansit canton, pansit lomi, la paz batchoy, pansit luglug o palabok, albondigas o misua soup, mami, pansit pusit, kinalas, pansit henoy, pansit batil patung, at pansit habhab. Iyan ang itinampok sa Facebook page na “Buhay-Probinsya”.

Public Domain Image

Sa lahat ng ito, kakaiba ang pagkain sa pansit habhab o tinatawag ding pansit Lucban, sapagkat ito ay nagmula sa Lucban, Quezon. Mukha itong pansit canton subalit may malaking pagkakaiba. Ang egg noodles na ginamit dito ay stir-fried kasama ang karne ng baboy, carrots, repolyo, at sayote, na may kasamang toyo. Sa halip na calamansi, ito ay nilalagyan ng suka.

Sa halip din na sa plato o iba pang lalagyan, inilalagay ang pansit sa pinirasong dahon ng saging. Hindi rin kinakailangang gumamit ng mga kubyertos pagkat literal na ilalapit sa bibig ang pansit habhab at humanda sa pagngasab!

Kung gusto mong maranasang makakain ng awtentikong pancit habhab, magtungo lamang sa Lucban, Quezon kung saan ito nagmula. Iba pa rin ang karanasang makakain nito!

Ang pagkain ng pansit ay impluwensiya ng mga Tsino na isa sa mga unang kapalitan ng kalakalan ng ating mga ninuno, bago pa man ang pananakop ng mga Espanyol. Tinawag namang “panciteria o pansiterya” ang mga restawran o kainan na ang espesyal na inihahanda sa mga parukyano ay pansit.

Public Domain Image

Karaniwang isinasahog sa pansit ang mga gulay, atay, karne ng baboy, hipon, pusit, kikiam, squid ball, at iba pa, depende sa variant o uri nito. Nakadaragdag din sa linamnam nito ang pinigaang calamansi.

Loading…