NASA nagpa-contest para sa design ng toilet na gagamitin ng astronauts sa Moon

Imahe mula sa NASA
  • Contest para sa disenyo ng toilet na gagamitin ng mga astronaut sa buwan, inilunsad ng NASA
  • Bukas sa mga bata at matatanda ang contest na may premyong $35,000
  • Nagsimula ang contest noong June 25, 2020 at matatapos sa August 17, 2020

Inilunsad ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) ang isang patimpalak para sa disenyo ng palikuran o toilet na gagamitin ng mga astronaut sa Moon. Tinawag ang contest na “Lunar Loo Challenge.”

Imahe mula sa NASA

Hindi raw gaanong kumportable para sa mga astronaut ang paggamit ng palikuran habang nasa kalawakan. Nang huling tumapak sa buwan ang mga astronaut noong taong 1972 ay nakasuot umano ang mga ito ng adult diaper.

Dahil dito ay inilunsad nga ang contest sa disenyo ng toilet na akmang gamitin ng male at female astronauts sa mahinang gravity sa kalawakan at sa ibabaw ng Moon.

“NASA is looking for a next-generation device that is smaller, more efficient, and capable of working in both microgravity and lunar gravity,” sabi ng space agency.

Ang mananalong disensyo ay gagamitin sa tinatawag na Artemis mission na magdadala isang lalaki at isang babaeng astronaut sa South Pole ng Moon na nakatakda sa taong 2024.

“Our astronauts accomplish amazing feats of science and space exploration. But at the end of the day, they’re still human. We need to provide them with the same necessities as here on Earth so they can continue to do their job,” sabi ni Mike Interbartolo, ang manager para sa Lunar Loo Challenge.

Imahe mula sa NASA

Bukas sa mga bata at matatanda ang toilet design contest. Sa adult category, paghahatian ng tatlong mapipiling design ang premyong $35,000. Ang mananalo naman sa children category ay bibigyan ng public recognition at pagkakalooban ng isang item na may opisyal na logo ng NASA.

Nagsimula ang contest noong June 25, 2020 at matatapos sa August 17,2020.

Source :

NASA, CNN

Loading…