Nawawalang $2-B ng Wirecard, ‘di pumasok sa ‘Pinas – Palasyo

  • Iginiit ng Palasyo na hindi pumasok sa bansa ang $2-B na pera ng Wirecard
  • Mahigpit umano ang pagpapatupad ng Anti-money Laundering Act sa Pilipinas
  • Ganito rin ang naging paninindigan ng Bangko Sentral

MAYNILA, Pilipinas – Iginiit ng Malakanyang na hindi nakapasok sa bansa ang nawawalang pera ng Wirecard na nagkakahalaga ng $2-B sa kabila ng mga haka-haka na sangkot sa kontrobersiya ang dalawang lokal na bangko.

Imahe mula sa DW

Ayon sa tagapagsalita ng Palasyo na si Atty. Harry Roque, mahigpit ang nagiging pagpapatupad ng Plipinas sa anti-money laundering system kaya malabong makapasok sa sistemang pinansiyal ng bansa ang nawawalang pondo ng German payment provider.

“Hindi makakapasok iyan dahil tayo naman po ay talagang nagpapatupad po ng ating anti-money laundering legislation at hindi na po tayo tagged ng international community as one of the areas na mahina magpatupad ng anti-money laundering regulations,” paliwanag ni Roque.

Ganito rin ang naging paninindigan ng Bangko Sentral na nagsabing maaaring nagamit lamang ng mga scammer ang pangalan ng BPI at BDO sa nasabing eskandalo subalit malabo umanong nakapasok ang pera sa mga ito dahil wala naman silang natanggap na ulat mula sa nasabing bangko na nagbibigay ng indikasyon ng pagkalugi dahil sa transaksiyon.

Diokno| Imahe mula sa Wikimedia

“The initial report is that no money entered the Philippines and that there is no loss to both banks. The international financial scandal used the names of two of the country’s biggest banks — BDO and BPI — in an attempt to cover the perpetrators’ track,” wika ni BSP Governor Benjamin Diokno sa isang pahayag kamakailan.

Maging ang abogadong si Mark Tolentino, ang nasibak na assistant secretary ng DOTr, ay itinanggi rin ang pagkakasangkot sa kontrobersiya.

Iginiit ni Tolentino sa isang pahayag na walang kinalaman ang kaniyang law firm na M.K. Tolentino Law & Business Consultancy Office matapos lumabas ang ulat na ang Certificates of Deposits na inisyu ng BPI at BDO at ipinadala sa Ernst and Young GMBH ay peke at palsipikado.

Loading…