NCRPO Siñas, sinibak ang limang pulis ng San Juan dahil sa paglabag sa health protocols

  • Limang pulis na convoy ni San Juan Mayor Francis Zamora ang tinanggal sa puwesto ni NCRPO Director Debold Siñas
  • Nilabag umano nila ang health protocols sa Baguio City matapos lagpasan ang border checkpoint at dedmahin ang mandatory triage health examination
  • Humingi ng paumanhin si Zamora kay Mayor Benjamin Magalong gayundin sa mga mamamayan ng Baguio City

Sinibak ni NCRPO Director Debold Siñas sa kanilang trabaho ang limang pulis ng San Juan dahil sa paglabag sa health protocols sa Baguio City nitong Hunyo 8, 2020.

Nilabag umano ng limang pulis na convoy, kabilang na si San Juan Mayor Francis Zamora, ang ipinatutupad na health protocols sa Baguio City, ayon sa mayor nitong si Benjamin Magalong. Nilagpasan lamang umano ng mga ito ang border checkpoint sa Kennon Road nang hindi dumaan sa mandatory triage health examination.

Public Domain Image

Umani naman ito ng samu’t saring reaksyon mula sa mga netizens.

“Tsip, ‘di ka ba kinikilabutan? Sa next inuman at party, mag-order ako ng delicadeza para magkaroon ka naman,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa. “Tama naman ang ginawa ni Siñas kung talagang may nilabag ang limang pulis. Pero ang isyu kasi rito, nasisilip tuloy ang kredibilidad niya sa pagpataw ng parusa gayong may nilabag din naman siya. Lusot pa nga siya, hindi ba? Law is law… but there are exemptions.”

“Bakit iyong may mataas na katungkulan, hindi sinibak kahit lumabag din sa health protocols? So ang ibig sabihin ok lang na mga ordinaryong mga pulis ang sibakin agad pero ‘yung mga may mataas na katungkulan sorry sorry lang? komento naman ng isa.

Humingi ng paumanhin si Zamora sa mayor ng Baguio City sa paglabag ng kaniyang mga convoy. Ayon sa panayam sa kaniya, natutulog siya nang mga oras na nangyari ang insidente. Nagtungo sila sa Baguio upang makapagpahinga sa kanilang resthouse ang misis na may Big C.

“Again, I humbly and most respectfully apologize to Mayor Benjamin Magalong and the people of Baguio City for this incident. There was never any intention not to follow Baguio’s health and security protocols,” saad ni Zamora.

Public Domain Image

Ayon kay Siñas, tungkulin nilang sumunod sa lahat ng batas at patakarang ipinatutupad sa buong Pilipinas.

“I will not condone any wrongdoing of our Police Officers in the implementation of the Community Quarantine Protocols, if held responsible. We, as law enforcers, are bound to respect the existing rules and regulations anywhere in the Philippines. The safety of the people remains as our top priority in this trying times,” aniya.

Naging kontrobersiyal si Siñas sa “paglabag” umano sa health protocol na pagbabawal sa pagdaraos ng mass gatherings, matapos ang kaniyang  “mañanita” o surpresang pa–birthday party sa kaniya ng mga tauhan at staff sa panahon ng community quarantine.

Loading…