Netizen ibinahagi kung paano natulungan ang babaeng nag-send ng friend request sa kaniya

Imahe mula sa Facebook | Murphy Red
  • Ibinahagi ng isang netizen kung paano sumubok na humingi ng tulong sa kaniya ang isang hindi kakilala
  • Nag-send daw ito ng friend request sa kaniya at saka sinubukang manghingi ng tulong dahil wala nang makakain ang kaniyang mga anak
  • Dagdag ng netizen, marami ngayon ang nakararanas ng sitwasyon na ito dahil sa kakapusan dala ng pandemya

Dahil sa umiiral na community quarantine sa bansa ay maraming mga manggagawang naapektuhan ang hanapbuhay at umaasang makatatanggap ng tulong mula sa gobyerno o sa kapwa na mas nakaluluwag.

Imahe mula sa Facebook | Murphy Red

Kabilang dito si Maria Grace na hindi na nagdalawang-isip pang magpadala ng friend request at mensahe maging sa mga hindi niya personal na kakilala upang makahingi ng tulong para may maipakain sa kaniyang mga anak.

Isa ang netizen na si Murphy Red sa mga nakatanggap ng “random” na friend request at mensahe mula kay Maria Grace.

“Hindi kami personal na magkakilala ni Maria Grace. Nagpadala lang siya ng friend request at dahil mukhang harmless naman siya, tinanggap ko. Kaninang maagang-maaga, nag-message s’ya sa akin na baka pwedeng makahingi ng konting bigas kasi kagabi pa hindi kumakain ang mga anak niya, sagad na sagad na ang bigas nila at wala na silang malapitan,” kuwento niya.

Pag-amin ni Murphy, kapos din siya ngayon sa materyal na bagay ngunit hindi kagaya ni Maria Grace ay wala siyang alagang bata na naghihintay ng pagkain.

“Nadurog ang pus0 sa sinabi niyang kalagayan kaya nagpasya ako ng mapaabutan siya ng tulong sa anumang paraan,” aniya.

Imahe mula sa Facebook | Murphy Red

Sa tulong ng isang kaanak na malapit sa tahanan nina Maria Grace sa Antipolo ay nakapag-abot siya ng bigas, delata, instant noodles, at kape rito.

Abot abot ang pasasalamat sa kaniya ng ina dahil sa dami ng sinubukan niyang lapitan ay iilan lamang ang sumasagot kay Maria Grace. Ang ilan ay bina-block pa raw siya.

“Hindi rin masisisi ang mga gumawa sa kanya ng ganoon dahil siguradong pareho lang din ang kalagayang kinasasadlakan nila ng kalagayan ni Maria Grace,” aniya.

Dagdag niya, sigurado siyang marami pa ang mga kagaya ni Maria Grace na sumusubok lumapit maging sa mga hindi kakilala makaraos lamang kaya naman sinamahan niya rin ang post ng hashtag na “Tayong lahat ay Maria Grace.”

Source :

Facebook

Loading…