Netizen kumikita ng halos P50K a month dahil sa vlog tungkol sa buhay-probinsya

  • Probinsyanong naghanap ng magandang kapalaran sa Maynila, sa probinsya rin natagpuan ang tagumpay
  • Kumikita ng hanggang P50K a month si Macki Moto sa vlog niya tungkol sa buhay-probinsya
  • Nakabili na siya ng lupa na pagtatayuan nila ng sariling bahay sa Nueva Ecija

Iniwan na niya noon ang buhay-probinsya  sa Nueva Ecija at nagtungo sa Maynila upang doon hanapin ang magandang kapalarang makapagpapabago ng takbo ng buhay niya. Hindi niya inaasahan na sa probinsya rin pala niya makakamtan ang tagumpay na inaasam.

Screenshot mula sa KMJS video

Dahil sa vlog niya tungkol sa araw-araw na buhay sa probinsya ay kumikita na ngayon si Mark Joseph Cunanan – kilala bilang Macki Moto sa YouTube – ng halos fifty thousand pesos kada buwan.

Itinampok sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” show ang kwento ng buhay ni Macki Moto.

Mahirap daw ang buhay nila sa Nueva Ecija. Naranasan ng pamilya niya ang isang araw na hindi nasasayaran ng pagkain ang mga sikmura nila kaya naisip niyang makipagsapalaran sa Maynila sa oras na maka-graduate siya sa high school.

“May isang araw na hindi na kami nakakain kasi walang trabaho kaya pumasok sa isip ko na pagka-graduate ng high school pumunta ng Maynila. Baka sakaling makahanap ng magandang trabaho, makapag-ipon, makabili ng sariling motor,” kwento ni Macki.

Nakapagtrabaho siya sa Maynila taong 2010, pero malayo sa inaasahang magandang buhay ang naranasan niya doon. Hindi siya makapagpadala ng pera sa mga magulang niya sa proibinsya dahil sapat lang para sa kanya ang sinasahod kada buwan.

Sa Maynila na rin nakapag-asawa si Macki at nagkaroon sila ng mga anak. Dahil hindi kasya ang kinikita para buhayin nang maayos ang pamilya ay nagdesisyon si Macki na umuwing mag-isa sa Nueva Ecija kung saan namasada siya ng tricycle.

Screenshot mula sa vlog ni Macki Moto

Pinasok rin niya ang pagiging construction worker at pagiging magsasaka para may maipadalang pera sa pamilyang naiwan sa Maynila. Ang misis niya ay may trabaho doon kaya hindi niya naisama sa probinsya.

Nito lang nakaraang taon ay nakapanood si Macki ng isang vlog na nag-udyok sa kanya para gumawa ng sarili niyang vlog. Ipon Challenge ang kauna-unahang vlog na ginawa niya na anim lang ang nanood. Nag-vlog din siya tungkol sa motorsiklo, pero mahina pa rin ang hakot ng views.

Hanggang maisipan niyang i-vlog ang araw-araw na ginagawa niya sa bukid. Dalawang araw ang ginugugol niya sa pag-shoot ng isang episode at ipinadadala niya iyon sa misis niya sa Maynila para ma-edit at i-upload sa YouTube.

Sa wakas ay nasumpungan din ni Macki ang hinahanap na tagumpay. Noong Pebrero ay nakuha niya ang unang sweldo galing sa YouTube – tumataginting na P48,548. Mula noon ay P40K hanggang P50K a month raw ang kinikita niya.

Screenshot mula sa vlog ni Macki Moto

Nakabili na siya ng lupa na pagtatayuan ng sariling bahay at kinuha na niya ang pamilya para magsama-sama na sila sa Nueva Ecija.

Bilang pasasalamat sa biyayang natatanggap ay nakapagpamahagi si Macki ng relief goods sa mga kabarangay ngayong may pandemya.

Hindi niya napigilan ang luha habang taos-pusong nagpasalamat sa lahat ng nagbigay ng tiwala at sumuporta sa mga vlogs niya.

Panoorin ang buhay nii Macki Moto sa KMJS video:

 

 

Loading…