Netizen may mensahe sa mga Pilipinong may pambili ng mamahaling kape pero hindi makapagtapon ng sariling basura

  • Trending sa social media ang larawan kung saan makikita na iniwan lang ang cup ng kape sa shelf ng mga produkto sa isang grocery
  • Dahil dito, isang payo ang iniwan ng uploader ng larawan sa may-ari ng coffee cup na mayroong ngalang “Andeng”
  • Maraming netizens din ang nagpaabot ng kanilang pagkadismaya sa ginawang ito ni Andeng sa kanyang coffee cup

Ngayong nasa general community quarantine (GCQ) na ang maraming lugar sa bansa, maraming Pilipino na rin ang kanya-kanyang punta sa mga supermarket, grocery, fast food restaurants, at coffee shops. Na-miss talaga ng marami sa atin ang lumabas at mamili, maging ang matikman at makabili ng mga paborito nating pagkain at inumin.

Ngunit ang kalayaang ito ng mga Pilipino, tila naaabuso paminsan-minsan. Nakuhanan kasi ng larawan ng netizen na si Patricia Alavera ang hindi wastong pagtatapon ng cup ng kape ng isang mamimili sa isang grocery store.

Larawan mula sa Facebook post ni Patricia Alavera

Sa larawang in-upload ni Patricia sa kanyang Facebook account, isang cup mula sa mamahaling coffee shop ang iniwan lamang ng isang namili sa lagayan ng mga produktong tulad ng air fresheners. May pangalan pa ang cup ng kape na ‘Andeng’ kaya naman isang mensahe ang iniwan ni Patricia para sa kanya.

Sabi ni Patricia, sana lahat daw ay may pang-kapeng mamahalin, pero sana all din daw ay mayroong disiplina na itapon ang basura sa tamang lugar. Hindi naman daw masama na bumili ng mahal na kape kung may budget pero huwag naman daw kalimutan ang mga responsibilidad natin sa kalikasan.

“Hi Andeng (kung sino ka man), sana all may pang-Starbucks. Pero mas okay yata kung sana all marunong din magtapon sa tamang basurahan,” pahayag ni Patricia sa kanyang viral post kasabay ng pagbahagi ng link kung saan makikita kung paano magtapon ng basura nang wasto.

Habang isinusulat ang istoryang ito, mayroon nang 7,000 reactions na karamihan ay ‘angry,’ 4,000 comments, at 12,000 shares ang nasabing post. Nilinaw naman ni Patricia na itinapon niya rin ang basurang nakita sa shelf.

Larawan mula sa Facebook post ni Patricia Alavera

Maraming netizens ang nagpahayag ng kanilang pagkadismaya sa akto ng Andeng na may-ari ng cup ng kape. Ang ilan naman, kanya-kanyang tag sa mga Andeng na kilala nila at sabay tanong kung sila ba ang salaulang may-ari ng coffee cup.

Ang ilan naman, sinabing baka nakalimutan lang ng may-ari ng kape ang cup at naging abala sa pagtitingin ng mga produkto. Guilty rin daw kasi sila sa ganitong gawain, kahit hindi naman nila sinasadyang maiwan ito.

Loading…