Netizen sa malalaking siling berde: “Makapag-sigang nga ng hippopotamus”

  • Namangha ang mga netizens sa larawan ng mga “ga-higanteng siling berde o haba”
  • Biro ng nagbahagi nito, maaari na itong ipansigang sa “hippopotamus”
  • Ang hippopotamus o “river horse” ay isang uri ng malaking hayop na matatagpuan sa sub-Saharan Africa. 

Paboritong ulam ng mga Pilipino ang sinigang. Magmula sa karne ng baboy, baka, manok, at sea food ay maaaring gawing sinigang. Isa sa mga sangkap na nagpapalitaw sa lasa nito ay ang siling berde. May mga tao kasing mas gusto nilang may anghang ang kanilang malalasap.

Kaya naman, nagdulot ng katatawanan at pagkamangha sa social media ang ibinahaging larawan ng mala-higanteng siling berde ng netizen na si “Harold Jehu” sa kaniyang Facebook post. Biro niya, “Makapag-sigang nga ng hippopotamus.”

Imahe mula sa Facebook account ni Harold Jehu

“Ang sarap naman niya. Puwede bang ilagay sa dynamite? Hahahaha. Ewan ko na lang kung hindi umusok ang ilong at tenga ng kakain,” pabirong turan ng isa.

Wika naman ng isa, “Grabeng laki naman ang siling iyan? Puwede nang ihampas sa mga taong matitigas ang ulo na nakikita ko rito sa amin na lumalabas ng bahay kahit na walang face mask. Hahaha. Saan kaya makakabili niyan?”

“Kung ganiyan kalaki ang sili, paano pa kaya ang anghang niya? Baka kailangan mong uminom ng isang timbang tubig sa tabi mo hahaha,” saad naman ng isa.

Ang siling berde o tinatawag na siling haba ay isa lamang sa mga siling karaniwang makikita sa Pilipinas, kagaya ng  siling labuyo.

Ang bunga ng siling haba ay maaaring magkaroon ng habang lima hanggang pitong sentimetro at kadalasang nasa kulay-berde o luntian. Pagdating naman sa anghang, may mga siling haba na wala nito o katamtaman lamang, kung ihahambing sa siling labuyo. Madalas na ginagamit ang siling haba bilang isa sa mga pampalasa sa mga ulam na sinigang, dinuguan, pinangat, kilawin, paksiw, at sisig.

Inilalagay rin ang siling haba bilang sahog sa “dynamite,” isang uri ng binalot na pagkain sa pamamagitan ng lumpia wrapper, laman, at may kasamang keso.

Samantala, ang binanggit na “hippopotamus” naman ay isang uri ng malaking hayop na matatagpuan sa sub-Saharan Africa. Kadalasan silang makikita sa mga tabing-ilog.

Public Domain Image

Loading…