NTC kinuwestiyon kung bakit napanonood pa rin ang ABS-CBN sa SkyCable

Imahe mula sa Sky Cable
  • NTC pinagpaliwanag sa patuloy na pag-ere ng ABS-CBN sa Sky Cable
  • Ginawang basehan naman ng NTC ang EO 205 na nilagdaan ni dating Pang. Cory Aquino
  • Giniit ni Marcoleta na napaso na rin ang prangkisa ng Sky Cable noong Marso

MAYNILA, Pilipinas – Hindi pa rin nilulubayan ni SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta ang isyu tungkol sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.

Sa ginanap na pagdinig nitong Lunes sa Kamara, pinagpaliwanag ni Marcoleta ang National Telecommunications Commission (NTC) kung bakit patuloy na umeere ang programa ng ABS-CBN sa Sky Cable gayong napaso na ang prangkisa nito noong Marso.

Ang Sky Cable at ABS-CBN ay parehong pag-aari ng mga Lopez.

Imahe screen capture mula sa YT video

“I know that the transmitter in Bohol Avenue is the subject of the CDO but I’d like to know on what authority SkyCable is still airing their programs through this channel despite the fact that the franchise expired last March 30, 2020,” tanong ng mambabatas.

Paliwanag naman ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, nag-isyu noon si dating Panglong Corazon Aquino taong 1987 sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 205 na nagtatanggal ng legislative franchise para sa mga cable TV.

Sa katunayan umano, patuloy ni Cordoba, ang mga cable TV na nag-aaply sa NTC ay wala nang prangkisa na isina-submit. Hindi na rin daw ito kumukuha ng prangkisa sa Kongreso at sa halip ay nag-iincorporate lang sila sa Securities and Exchange Commission (SEC) at saka ibinibigay ang aplikasyon sa NTC.

Cordoba| Imahe mula sa NTC.com

Subalit iginiit ni Marcoleta na hindi ito ang naging kaso para sa Sky Cable Corp. o dating Central TV, dahil hindi sila humingi ng ‘certificate to operate’ mula sa NTC at sa halip ay nag-apply ng prangkisa sa Kongreso.

“Ano ang ginawa nila? Pumunta sila sa Congress para makakuha ng prangkisa. Ibig sabihin, ang ginamit nilang authority ay ‘yung prangkisang nakuha nila sa Congress which expired last March 30, 2020,” ayon kay Marcoleta.

Kinuwestiyon din ng mambabatas ang EO 205 na naging basehan ng NTC dahil pinirmahan ito ni Aquino noong ika-30 ng Hunyo 1987, samantalang ang kasalukuyang Konstitusyon ay naratipikahan noong ika-2 ng Pebrero parehong taon.

Samakatuwid, giit ni Marcoleta, nawalan na ng ‘lawmaking power’ si Aquino bago pa man nito maibaba ang nasabing EO.

Inaasahang maresresolba ang naturang usapin sa pagpapatuloy ng pagdinig sa darating na Huwebes.

Loading…