‘Nutribun’ ibabalik ng gobyerno, ayon sa DOST

Image from Good News Pilipinas
  • Bagong nutribun ilulunsad ng gobyerno
  • Dahil ginawang mas masustansiya, tatawagin nila itong ‘e-nutribun’
  • Maaari rin daw ipamahagi ang tinapay sa mga buntis at mahihirap

Kung ikaw ay batang 70s o 80s, marahil ay isa ka sa nakatikim sa malinamnam at talagang nakabubusog na ‘nutribun’ na bahagi ng feeding program noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Kaya’t isang magandang balita ang ibinahagi ng Department of Science and Technology (DOST) nitong Lunes sa isang virtual forum na muli nilang ilulunsad ang nasabing tinapay at ito ay tatawagin nilang e-nutribun or ‘enhanced nutribun’.

Ayon kay Dr. Mario Capanzana ng DOST-Food and Nutrition Research Institute (FNRI), ang ilulunsad nilang produkto ay mas masustansiya kaysa sa dating nutribun.

“At sinamahan po natin ito ng source of protein para tumaas ang protina ng ating bun kaya nga po enhanced nutribun siya. Mas hindi siya matigas, pero mabigat at tama ang kanyang micro at macro nutrient na ating kailangan,” bahagi ng opisyal.

Dr. Capanzana| Image from DOST-FNRI

Naghahanap na umano sila ng magiging partner na producer ng e-nutribun kung saan ipamamahagi ng ahensiya ang kanilang ‘technology transfer program’.

Hihikayatin rin nila sa pamamagitan ng multimedia platform ang mga micro and small businesses, pati malalaking bakeshops na tumugon sa kanilang panawagan na maging katuwang ng DOST sa paglunsad ng programa.

“Para rin po makatulong sa agriculture sector natin kasi iyong gagamitin po natin galing sa itinatanim ng farmers natin like wheat flour at ibang ingredients like kalabasa and other root crops,” dagdag pa ni Capanzana.

Image from Twitter

Dahil wala pang face-to-face na klase, maaari umanong ipamahagi ang e-nutribun sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay, ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Bukod sa mga estudyante, maaari rin umanong isama sa mga tatanggap ng e-nutribun ang mga buntis na nanay at mga mahihirap na pamilya.

Loading…