Olongapo City mayor sinampahan ng kaso ng DILG dahil sa paulit-ulit na paglabag sa quarantine rules

Imahe mula sa Olongapo City Information Office
  • Olongapo City Mayor Rolen Paulino,Jr. kinasuhan ng DILG
  • Paulit-ulit umanong nilabag ng alkalde ang mga quarantine protocols ng IATF
  • Iginiit naman ng mayor na suportado at sinusunod niya ang mga protocols ng pamahalaan laban sa COVID-19

Kinasuhan ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Office of the Ombudsman si Olongapo Mayor Rolen Paulino, Jr. dahil sa pag-iisyu nito ng mga local policies na tahasang sumusuway sa enhanced community quarantine protocols na ginawa ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).

Imahe mula sa Olongapo City Information Office

Sinabi ni Interior Undersecretary at Spokesman Jonathan Malaya na paulit-ulit na nilabag ni Mayor Paulino ang mga rules and regulations ng task force na ipinatutupad ng DILG.

Aniya, unang pinadalhan ng DILG ang alkalde ng show cause order noong Abril dahil sa pag-organisa ng isang mass gathering sa pamamahagi ng social amelioration cards para sa first tranche ng social amelioration program.

Ang anumang uri ng mass gathering ay mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng enhanced community quarantine.

Binalaan na raw noon ng ahensya si Mayor Paulino na sumunod sa mga patakaran ng IATF dahil kung hindi ay kakasuhan ito.

Muling nilabag ni mayor ang IATF protocols nang inilabas niya ang Executive Order (EO) No. 54 series of 2020 noong May 21 na nagbibigay ng permiso sa backriding sa motorsiklo sa kanilang bayan. Taliwas ito sa posisyon noon ng pamahalaan na bawal ang backriding dahil hindi nagagawa ang physical distancing sa pag-angkas sa motorsiklo.

DILG Usec. Jonathan Malaya/ Imahe mula sa PCOO

Dismayado umano ang DILG sa mga aksyong ginawa ng alkalde. Bilang lider ng kanyang siyudad, si Mayor Paulino umano ang dapat manguna sa pagtalima sa mga direktiba ng pamahalaan.

Sa pamamagitan ng Olongapo City Information Office ay naglabas ng kanyang statement si Mayor Paulino hinggil sa isyu. Aniya,hindi pa niya natatanggap ang kopya ng reklamo. Nalaman lang daw niya ito sa pamamagitan ng mga balita.

Ipinaliwanag niya na hindi naman niya itinuloy ang backriding policy noong Mayo.

Screenshot mula sa video ng Olongapo City Information Office

“Isa po ito sa mga nakita naming solusyon sa kakulangan ng public transportation noong mga panahon na iyon. Respectfully, gusto ko lang po linawin na mula po noong kami ay sinabihan ng DILG, hindi na po namin ipinatupad ang Angkas Pass. Binawi na rin po namin anq EO matapos po naming marinig ang address ng ating mahal na Pangulo noong June 5, 2020,” paliwanag ni mayor.

Iginiit niya na suportado at sinusunod niya ang protocols ng national government laban sa COVID-19.

Loading…