Online selling OK kay Risa Hontiveros, ‘wag lang daw ang pagbebenta ng bansa sa dayuhan

Image by Risa Hontiveros via Facebook
  • Pagbebenta online, OK kay Sen. Risa Hontiveros
  • Pero ayaw niya umano na ibinebenta ang Pilipinas sa mga dayuhan
  • Hikayat niya, ‘wag munang ipatupad ang pagbubuwis at pagpaparehistro sa mga online sellers

Sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na OK lamang sa kanya ang pagbebenta ng mga gadgets, bags, damit, kakanin at beauty products sa pamamagitan ng online platforms; pero hindi umano siya pabor sa pagbebenta ng Pilipinas sa mga banyaga.

Image by Risa Hontiveros via Facebook

Mababasa sa Facebook post ng Senadora nitong Miyerkules, “Sa online selling, may mga nagbebenta ng gadgets, bags, damit, kakanin at beauty products. Okay lahat yan! Maparaan talaga tayong mga Pinoy. Basta ang ayaw natin ay yung binebenta ang bansa natin sa dayuhan.”

Dagdag ni Hontiveros, marapat na protektahan ng gobyerno ang mga maliliit na negosyante at pagbayarin ang Philippine Gaming Offshore Operators o POGO.

Karagdagan, hinikayat ng lady Senator ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na bawiin muna at repasuhin ang memorandum circular na nag-aatas na buwisan ang mga online sellers.

“Naging magulo para sa mga online sellers ang memo mula sa BIR. Mabuti pang bawiin, i-review, at i-rewrite muna ng ahensiya ang guidelines na nilabas nila,” ani Hontiveros.

Wika nito, iniaatas ng memorandum na magparehistro ang mga kumikita online batay sa Section 236 ng National Internal Revenue Code samantalang sinasabi naman ng Trade department na exempted sa pagpaparehistro ng negosyo sa BIR ang mga kumikita ng mas mababa sa P250,000.00 kada taon.

Maganda man umano ang layunin ng memorandum, sana’y bawiin at huwag muna itong ipatupad habang dumaranas ng krisis ang mundo.

Image by Risa Hontiveros via Facebook

Kapag napatupad ito, gagastos ng hindi bababa sa P2,260.00 ang mga online sellers sa pagpaparehistro lamang at karagdagang P1,500.00 sa pag-iimprenta ng resibo para sa kanilang quarterly filing of financial reports.

“Sa panahon ng COVID-19 crisis at ginagawang pantawid-kita ang online selling, pahirap ang kasalukuyang requirements ng BIR sa ating mga kababayan,” aniya.

Image by Risa Hontiveros via Facebook

Loading…