Oops: Announcement na puwede nang bumiyahe sa national highways ang tricycle, binawi ni Roque

  • Ang pahayag niyang pinapayagan na sa mga national highways sa GCQ at MGCQ areas ang mga tricycle ay binawi ni Roque
  • Sa bagong pahayag, sinabi niya na bawal pa rin ang mga tricycle sa national roads
  • Ang backride sa mga motorsiklo ay ipinagbabawal pa rin ng IATF

Inanunsyo ng Malacañang na papayagan na ang mga motorsiklong may sidecar o tricycle na dumaan sa mga national highways sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ), ngunit wala pang 24 oras ang lumipas ay binawi ang naturang pahayag.

Imahe mula sa Autoindustriya

“Well, nagkaroon po ng bagong polisiya. Pinapayagan na po ngayon ang sidecars sa national highways,” unang pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque noong Huwebes, ika-4 ng Hunyo.

Aniya, ang desisyon na payagan ang mga tricycle sa mga pangunahing lansangan ay upang maibsan ang kakulangan sa mga pampublikong sasakyan.

“’Yan po ay para maibsan ‘yung kakulangan ng transportasyon ngayong nag-GCQ na at MGCQ na sa maraming areas,” ani Roque, na tagapagsalita rin ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Nilinaw rin ni Roque na ang pagbabawal sa backride o angkas sa mga motorsiklo ay nananatili pa rin.

“Ang pagbabawal po sa backride ay applicable sa GCQ at MGCQ at ito po ay kabahagi ng isang IATF resolution. Hindi po pupuwedeng magbigay ng awtorisasyon ang mga mayor. Kinakailangan sundin pa din po yung pagbabawal sa backride,” dagdag ni Roque.

Screenshot mula sa GMA video

Ang pagkakabit ng sidecar sa motorsiklo at bisikleta ay una nang iminungkahi ni Secretary Eduardo Año upang makapagsakay ang rider ng isa pang pasahero.

“Lagyan na lang ng sidecar ang motor puwede na niya isama ang kaniyang misis, ganun na lang po solution habang nandiyan pa ang virus,” mungkahi ng DILG secretary.

Imahe mula sa Flying Ketchup

Narito ang bagong pahayag ni Harry Roque hinggil sa mga tricycle: “Regarding the issue on tricycles/those similarly situated, Interior Secretary Eduardo Ano clarifies that although apprehension from the Highway Patrol Group is temporarily suspended, such are still prohibited from traversing the national highways.”

Loading…