Paalala ng matagumpay na online seller: Kapag sumuko ka dahil sa opinyon ng ibang tao, talo ka

Imahe mula sa Facebook | Lester Ray Villarama Magsalin
  • Ibinahagi ng isang netizen ang kaniyang naging karanasan nang magsimula siya sa online selling
  • Ngayon ay may sarili na siyang shop at masipag pa ring kumakayod sa kabila ng pandemya
  • Payo niya sa mga nagsisimula pa lamang sa online selling, huwag susuko dahil lamang sa opinyon ng ibang tao

Marami ang sumusubok sa online selling ngayong limitado pa ang mga industriyang maaaring magbalik-operasyon sa ilalim ng community quarantine.

Imahe mula sa Facebook | Lester Ray Villarama Magsalin

May mga nagbahagi ng kanilang karanasan tungkol sa pangmamaliit sa kanila ng mga kakilala dahil nauwi sila sa pagtitinda ngunit ang pagpapaapekto sa mga ito ang numero unong dapat iwasan ng mga nais na magtagumpay sa larangan ng business, ayon sa isang netizen.

Sa isang Facebook post ay ibinahagi ni Lester Ray Magsalin na may sarili na ngayong shop kung paano siya nagsimula sa online business.

“October 2011 nag-start kami ng wife kong mag-online business kahit alam namin na medyo mahirap bilang estudyante, hindi kami nagpatalo. Naroon yung mga salitang ‘subok lang.’ Wala namang masama,” kuwento niya.

Tuwing matatapos ang klase ay makikipag-meet up daw sila ng kaniyang asawa sa mga LRT station upang hindi sila mahirapan sa biyahe dahil wala pa silang motor noon.

Disyembre ng taong iyon ay nagkaroon sila ng puwesto sa gilid ng kalsada. Nagtuluy-tuloy ito hanggang sa magkaroon na sila ng puwesto sa tapat ng kanilang bahay.

Imahe mula sa Facebook | Lester Ray Villarama Magsalin

Taong 2014 nang makapagtapos siya sa pag-aaral ngunit hindi niya binitawan ang kaniyang pangarap. Unti-unting lumago ang kaniyang negosyo hanggang sa magkaroon na siya ng sariling shop noong November 2019.

“Nag-open ang bagong store at puno kami ng kaba pero tulad nga ng sinabi ko, walang aayaw. Huwag mong isipin na hindi mo kaya kung hindi mo pa nasusubukan,” aniya.

Ngayong may pandemya ay muling nasubukan ang kaniyang determinasyon ngunit sabi niya, kailangan talagang makipagsapalaran sa buhay upang may marating. Patuloy pa rin siya sa pagkayod sa pamamagitan ng pagde-deliver ng mga order.

Payo niya sa mga nangangarap na maging matagumpay sa negosyo, huwag makikinig sa panghuhusga ng iba.

“Kapag sumuko ka dahil sa opinyon ng ibang tao, talo ka! Always remember nangarap ka para sa pamilya mo, hindi para sa ibang tao.”

Source :

Facebook

Loading…