Palasyo dumistansiya sa panukalang palitan ang pangalan ng NAIA

Imahe via DF Balita
  • Dumistansiya ang Palasyo sa balak na palitan ang pangalan ng NAIA
  • Bahala na umano ang Kamara kung kailangan ang batas para dito
  • Parehong dinepensa nina Rep. Yap at Rep. Duterte ang nasabing panukala

Dumistansiya ang Malakanyang sa panukalang batas sa Kamara na palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at gawin na lang itong “Paliparang Pandaigdig ng Pilipinas.”

Sa isang virtual press briefing, sinabi ni Atty. Harry Roque, tagapagsalita ng Palasyo, na bahala na ang Mababang Kapulungan kung kailangan ng batas para mapalitan ang pangalan ng NAIA.

Imahe via MIAA Facebook

“Iniiwan po namin iyan sa Kongreso dahil kinakailangan po ng batas kung kinakailangang baguhin ang pangalan ng NAIA,” ani Roque.

Ang nasabing panukala ay inihain ni Deputy Speaker at Davao City Rep. Paolo Duterte sa ilalim ng House Bill No. 7031. Co-author din sa nasabing panukala sina Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco at ACT-CIS party-list Rep. Eric Go Yap.

Ang tatlong mambabatas ay kilalang tagasuporta ng administrasyon.

Noong nakaraang araw, sinabi ni Rep. Yap na hindi naman prayoridad ng Kamara ang House Bill 7031 at bahala na ang komite kung kailan ito maaaring isalang sa plenaryo.

Imahe via Cong. Eric Go Yap Facebook

“Our focus is still on addressing COVID-19 in the country. Recently, we have discussed the issues surrounding the high Meralco rates and the alleged corruption in the SAP distribution. We are also to discuss Bayanihan 2 in the coming days,” paliwanag ni Yap.

Ginawa ni Yap ang pahayag matapos mabatikos dahil tila hindi umano alam ng ilang mambabatas ang dapat na prayoridad sa gitna ng pandemiya.

Paliwanag naman ni Rep. Paolo Duterte, ang nasabing hakbang ang magbibigay ng  ‘branding’ sa pinakamalaking paliparan sa bansa bilang tunay na pag-aari ng mg Pilipino.

“We need a more representative branding for the international gateway of our country, thus our proposal renaming NAIA to the Paliparang Pandaigdig ng Pilipinas. Aside from it bearing our country’s name, it is in our national language,” ani Duterte.

Loading…