‘Panalo tayo!”: Roque ‘nagbunyi’ matapos ‘sumablay’ ang projection sa COVID-19

Imahe screenshot via RTVM Facebook
  • Mistulang nagbunyi si Roque matapos ‘mabigong’ maaabot ang projection ng UP sa virus
  • Sa ksalukuyan ay mayroong mahigit sa 36,000 na kaso ng COVID sa bansa
  • Idinepensa naman ng isang eksperto ang kanilang projection

Hindi naitago ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang tuwa matapos sabihing ‘natalo’ ng Pilipinas ang projection ng mga eksperto ng University of the Philippines tungkol sa pagdami ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa ginanap na virtual press briefing nitong Martes, tinanong si Roque kung ano ang masasabi ng Palasyo sa diumano’y backlog sa test result na aabot sa 10,000 kaso.

Kaagad namang pinabulaanan ng opisyal ang nabanggit na numero at sinabing aabot lamang sa 1,000 ang backlog ng COVID-19 test result kaya imposible ring magkatotoo ang projection na aakyat sa 40,000 ang kaso ng coronavirus sa bansa sa katapusan ng buwan.

Imahe screenshot via RTVM Facebook

“Today is the last day na pala. Ano bang sinasabi ko. Wala na po, panalo na tayo! We beat the UP prediction po. We beat it so congratulations, Philippines! Let’s do it again in July,” ani Roque na iwinawagayway pa ang kamao sa hangin.

Sa datos ng Department of Health (DOH), umabot na sa 36,438 ang kaso ng COVID-19 hanggang nitong Lunes, ika-29 ng Hunyo; 1,255 dito ay sinawimpalad at  9,956 naman ang gumaling.

Imahe screenshot mula sa DOH

Idinepensa naman ni UP mathematics professor Guido David ang kanilang projection dahil mayroon naman daw talaga itong ‘margin of error’ na 10 porsiyento.

“Kung nasa within the error tayo, for me parang semantics lang ‘yan. Hindi naman tayo nasa 30,000 or nasa 50,000,” wika ni Guido sa panayam ng GMA News. “More or less it’s about the same…Status quo ‘yung nangyayari. I think we have to intensify ‘yung efforts natin.”

Nauna nang sinabi ni Roque na bagama’t hindi perpekto ang administrasyong Duterte, ginagawa naman daw nito ang lahat ng makakaya para mabawasan kung hindi man tuluyang masugpo ang pagkalat ng coronavirus sa bansa.

Loading…