Pangulong Duterte duda sa kahandaan ng Pilipinas para sa online learning

  • Duda si Pangulong Duterte sa kahandaan ng Pilipinas na magsagawa ng online classes
  • May magagamit mang teknolohiya, duda ang Pangulo na maipatutupad ang online classes sa buong Pilipinas
  • Nanindigan naman ang DepEd na kahit kulang sa access sa technology ay may ibibigay namang printed learning materials sa mga mag-aaral

Duda si Pangulong Rodrigo Duterte na handa na ang Pilipinas para sa pagsasagawa ng online classes bilang alternatibong paraan ng pag-aaral sa gitna ng patuloy na pananalasa ng COVID-19.

Imahe mula sa PCOO

Sa pinakahuli niyang public address, sinabi ni Pangulong Duterte na may magandang programang inihanda si Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones upang ang mga mag-aaral ay makapagpatuloy sa kanilang pag-aaral habang nananatili sa kanilang mga tahanan.

Subalit duda ang Pangulo na handa na ang bansa na maayos na maipatupad ang nasabing programa.

“Secretary Briones is insisting there should be an alternative there and she has a very good program for that. Parang teleconferencing,” sabi ni Pangulong Duterte sa televised public address niya.

Naniniwala ang Presidente na mayroong magandang teknolohiya na maaaring magamit para sa programa ng DepEd, pero duda siya kung kaya itong ipatupad sa buong Pilipinas.

“The technology is good but I don’t know if we’re ready for that. Meaning to say, if we have enough of those na gamitin para sa whole of the Philippines,” aniya.

Imahe mula sa freewififorall.gov

Sabi pa ng Pangulo, kung naririyan na ang teknolohiya at kung kakayanin ng pamahalaan na bumili ng equipment ay maaari nang ituloy ng DepEd ang plano nitong online classes.

“We’re talking students, meron ba siya? If she has, if we can afford it, we’ll buy it and she can proceed with her novel idea on how the children will continue with their education,” anang Pangulo.

Dahil sa nararamdamang pagdududa sa kakayahan na maipatupad ang online classes sa buong Pilipinas, muling inulit ni Pangulong Duterte ang nauna na niyang sinabi noon na hindi niya papayagan ang pagbabalik-eskwela ng mga mag-aaral hanggang wala pang bakuna sa COVID-19.

Imahe mula sa Pixabay

“We have to wait for the vaccine. Maghintay talaga tayo sa vaccine. Sabi ko sa inyo walang vaccine, walang eskuwela,” aniya.

Samantala, nanindigan naman ang DepEd na ang kakulangan sa access sa tehnology ay hindi problema dahil ang mga paaralan ay magbibigay naman ng mga printed learning materials sa mga mag-aaral.

Imahe mula sa DepEd

Loading…