Pasig City, maglalaan ng P1-M para sa ‘bike racks’

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Sotto
  • Maglalaan ang Pasig City ng P1-M para sa bike racks
  • Kasama rin sa plano ang pagpapalawak ng mga sidewalk para maging ligtas ito sa mga commuter
  • Maaari umanong simulan ang naturang plano sa mga darating na linggo

Matapos ilahad ang plano ng lungsod na magpatupad ng mas pinalawak na ‘bike lane’ o ‘bike corridor’, nakatakda naman umanong bumili ng Pasig City ng mga bike racks para suportahan ang naturang programa.

Halimbawa ng bike rack| Imahe mula sa Washington Bikes

Ang ‘bike rack’ ay isang istruktura kung saan puwedeng iparada at ikandado ang isang bisikleta upang hindi ito manakaw ng mga masasamang-loob.

Sa panayam ng ABS-CBN Teleradyo kay Mayor Vico Sotto, sinabi ng batang alkalde na higit na mas mura ang magpatayo ng ‘bike rack’ kesa gumawa ng mga parking lot para sa mga sasakyan bukod pa sa tipid ito sa espasyo.

“We’re encouraging companies, and we’re drafting an ordinance through our transport department para i-require ‘yung mas magandang parking, ‘yung bike racks para sa mga bisikleta sa mga establisimyento,” wika ng butihing mayor.

Imahe mula sa Facebook post ni Mayor Sotto

Nauna nang inilahad ni Sotto sa kaniyang Facebook account ang plano ng mas pinalawak na ‘bike lane’ sa lungsod at pagpapalaki ng mga sidewalk para maging ligtas ito sa mga commuter at mga nagbibisekleta.

Nitong nakaraang Mayo, idineklara ng Sangguniang Lungsod ng Pasig ang paggamit ng bisikleta bilang isang mahalagang uri ng transportasyon sa pamamagitan ng Executive Order PCG-18, Series of 2020.

Subalit sa gitna umano ng umiiral na quarantine, mas lalo daw naging in-demand ang bisikleta; bunsod na rin ng kakulangan sa mga pampublikong sasakyan.

Imahe mula sa Facebook post ni Mayor Sotto

“Napatunayan din nating puwedeng-puwede ang bike to work sa Pilipinas,” wika pa ng alkalde.

Bagama’t hindi pa isinisiwalat ni Sotto kung kailan sisimulan ang konstruksiyon ng nasabing plano, posible umano itong mangyari sa mga darating na linggo.

Loading…