Payo ni Jericho Rosales sa panahon ng pandemya: “Acknowledge and accept your feelings”

  • Nagbigay ng kaniyang payo ang actor-singer na si Jericho Rosales para sa mga taong nakararamdam ng negatibong pakiramdam sa kalagayan ngayon ng mundo
  • Aniya, huwag daw itong ipagkibit-balikat; tanggapin at ramdamin lamang ito dahil normal lamang itong maramdaman bilang tao
  • Gawing abala ang sarili upang makasagap ng positibong pakiramdam at enerhiya sa iba

May payo ang aktor na si Jericho Rosales sa lahat ng mga taong nakararamdam ng labis na kalungkutan sa mga nangyayari ngayong panahon ng COVID-19 pandemic, lalo’t tila walang kasiguraduhan kung kailan ito tuluyang mawawala o maglalaho at maibabalik sa “dating normal” ang lahat.

Ayon sa panayam kay Echo ng Entertainment Inquirer via Zoom conference, normal lamang daw ang makaramdam ng takot at pangamba sa panahon ngayon. Huwag daw itong balewalain, kagaya ng naramdaman niya sa panahon ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine at pagpapahinto sa pag-ere ng kaniyang home network na ABS-CBN.

Imahe mula sa Instagram account ni Jericho Rosales

Una raw siyang nakaramdam ng ganito noong nanalasa ang bagyong Ondoy. Napagtanto raw niya na lahat ng tao, sikat man o karaniwan, ay pantay-pantay lamang. Lahat ay maaaring makaranas ng paghihirap at kalungkutan. Ang kinaiba nga lamang, aminin man o  hindi, ay may mga taong mas malala ang kalagayang kinahaharap.

Huwag daw sana tayong “papalamon” sa kung anumang negatibong damdaming namamayani sa atin sa panahon ngayon. Sa halip, maaaring ibaling ang atensyon sa pagiging abala sa ibang bagay, katulad na lamang ng pagbibigay ng tulong sa mga kapwang higit na nangangailangan.

Nakilahok si Echo sa mga relief operations at fundraising events sa mga unang yugto ng  ECQ. Napabalita ang pagkakaroon ng reunion ng dati niyang male group na “The Hunks” para sa “One Voice Pilipinas.” Bukod kay Echo, ang “The Hunks” ay kinabibilangan nina Diether Ocampo, Bernard Palanca, Carlos Agassi, at Piolo Pascual.

Nagsagawa rin ng online shows si Echo kasama ang ilang mga kaibigan sa showbiz na pinamagatan nilang “Gabi na Naman” na may layuning maghatid ng entertainment sa mga tao.

Imahe mula sa Instagram account ni Jericho Rosales

Aminado si Echo na nahirapan din siyang makaisip ng magagandang konsepto dahil sa kaniyang nararamdamang pangamba at kalungkutan. Sa halip na ipagkibit-balikat, hinayaan niya lamang ang kaniyang sariling maramdaman at tanggapin ito.

Habang dumaraan ang mga araw, napalitan din naman ang mga negatibong pakiramdam na namayani sa kaniya.

“Now, I’m already at a stage where I’m excited and hopeful. I just try to appreciate whatever we’re doing now. I realized it’s not impossible to accomplish things under the new normal. We just have to push our creativity to its limits,” ayon kay Echo.

Dagdag pa niya, “Don’t pretend to be OK if you’re not. If you need to isolate yourself, to be quiet and to think first, then do so. If you’re feeling happy, don’t feel guilty; that’s OK, too, just don’t be insensitive to others around you. You have to accept in your heart and mind that everything that’s happening right now is going to be this way for a little while longer.”

Tandaan ang mga payong ito ni Jericho upang ang kalagayan natin ngayon ay ating mapagtagumpayan!

Loading…