Pilipinas hindi late sa pagbili ng PPE, naunahan lang ng ibang bansa – Sec. Duque

Screenshot mula sa PCOO video
  • Niliwanag ni DOH Sec. Duque na hindi late nag-order ng PPE ang Pilipinas
  • Sinabi ng kalihim na naunahan lang tayo ng ibang bansa sa pagbili ng mga PPE
  • Dahil nagkaroon ng global shortage sa PPE ay naghintay ng matagal ang Pilipinas

Sa pinakahuling press briefing na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes ng gabi, June 22, nagpaliwanag si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III tungkol sa nangyaring kakulangan ng personal protective equipment (PPE) para sa mga health workers.

Screenshot mula sa PCOO video

Ang kakulangan ng PPE na ipinamahagi sa mga health workers ay isa sa mga isyu na sinisilip sa isinasagawang imbestigasyon kay Sec. Duque at sa DOH na pinasimulan ni Ombudsman Samuel Martires. Ang kakulangan sa protective measures ang isa sa sinisisi sa mataas na bilang ng nasawing health workers.

Paliwanag ni Sec. Duque, hindi nahuli sa pagbili o pag-order ng PPE ang Pilipinas. Naunahan lang umano ng ibang bansa na naunang nagkaroon ng COVID-19 cases.

Aniya, Pebrero pa lang ay umorder na ang bansa ng mga PPE. Dumating umano ang mga order sa pagitan ng Marso at Abril.

‘Yung pagbili po ng mga personal protective equipment, akala po ng ibang grupo ay napakahuli ang ating pagbili, pero sa totoo lang po as early as February naglagay na po tayo ng procurement order with the Philippine International Trading Corporation, isa pong attached agency ng DTI (Department of Trade and Industry),” anang kalihim.

Nagkaproblema lang daw sa supply dahil maraming mga bansa ang mas naunang  makabili ng mga PPE. Mabuti na lamang daw at may dumating na mga donations ng PPE mula sa World Health Organization matapos mag-request ang DOH.

Screenshot mula sa PCOO video

Nagsumikap naman umano ang DOH na makakuha ng mga PPE subalit dahil sa global shortage nito ay naghintay ang bansa ng matagal.

Tiniyak ni Sec. Duque na agad silang magsusumite ng mga dokumento na hinihingi ng Ombudsman upang masagot ang anumang katanungan hinggil sa procurement ng mga PPE.

 

 

Source :

Inquirer, YouTube

Loading…