Pinky Amador emosyonal na naglabas ng saloobin matapos ang viral video

Imahe screen capture mula sa YT video ng Rated K
  • Pinky Amador muling naglabas ng saloobin tungkol sa nag-viral na video
  • Naging emosyonal ang aktres subalit humingi muli ito ng paumanhin
  • Pinag-iisipan pa umano niya kung tuluyang magsasampa ng kaso

Naging emosyonal ang beterenang aktres na si Pinky Amador sa kaniyang paglabas ng saloobin nang mag-guest ito sa programa ni Korina Sanchez na ‘Rated K’ kamakailan.

Magugunitang nag-viral ang isang video kung saan makikita si Pinky na sinisigawan at minumura ang staff ng isang condotel sa Makati. Nag-ugat umano ang pagwawala ng aktres sa patuloy ng pagbabalewala ng management ng hotel sa kaniyang hinihinging dokumento.

Imahe screen capture mula s YT video ng Rated K

Inamin ni Pinky na kaya siya galit na galit noon ay bunsod na rin ng takot sa umiiral na pandemiyang COVID-19. Ang condotel na kaniyang tinitirhan ay sinasabing naitalagang ‘quarantine facility’ ng ilang OFWs na umuwi sa bansa.

Isiniwalat din dati ng aktres na may nakasalamuha pa siyang dalawang OFW doon subalit hindi niya alam na mga PUM ito dahil walang opisyal na pahayag ang pamunuan ng gusali. Ito umano ang dahilan kung bakit siya nagpupuyos sa galit dahil patuloy na hindi pinapansin ng management ang kanilang kahilingan na maglabas ng circular tungkol dito.

“Hindi ko kasi kayang magkasakit dahil mag-isa lang ako. Takot akong magkasakit. ‘Pag nagkasakit ako, wala nang tutulong sa akin dahil sarili ko lang ang inaasahan ko,” paliwanag ni Pinky.

Imahe screen capture mula sa kumalat na video

Nilinaw din nito na hindi siya galit sa mga OFW. Ang naging problema lang daw ay hindi sila sinabihan ng condotel tungkol sa pagiging ‘quarantine facility’ ng kanilang tinitirhan.

Ganunpaman, inamin ng aktres na maaaring sumobra din naman talaga ang kaniyang galit nang araw na iyon na nauwi sa kaniyang pagwawala at pagmumura.

“Ang hinihingi ko lang naman is paumanhin, dahil… sa bugso ng damdamin, takot na takot na ako,” emosyonal na pahayag ni Pinky. “Galit na galit na kaming lahat, hindi namin alam kung bakit kami binabastos at binabalewala para sa isang bagay na dapat naman nilang ibigay sa amin.”

“Humihingi lang naman ako ng pang-unawa. Maaaring sumobra ako pero ‘yun lang naman ay dahil sumobra na rin sila,” patuloy pa nito.

Imahe screen capture mula sa YT video ng Rated K

Samantala, naglabas na rin ng pahayag ang nasabing condotel at sinabi nitong bagama’t nauunawaan nila ang pinanggagalingan ng galit ng aktres, maling tao umano ang napagbalingan nito.

Nagharap na rin sa barangay si Pinky at ang dalawang staff ng hotel na kaniyang pinagalitan.

Samantala, pinag-iisipan pa ng aktres kung tuluyan siyang magsasampa ng kaso lalo pa’t doon pa rin naman siya nakatira ngayon sa nasabing gusali.

Panooring ang buong panayam ni Korina kay Pinky:

Loading…