Pinoy Heritage: PH Embassy sa Spain, itinuturo ang Baybayin sa expats

Image capture of video by Philippine Embassy in Spain via Facebook
  • Webinar patungkol sa baybayin, isinagawa ng Philippine Embassy sa Spain
  • Wika ni Prof. Casumpang, makatutulong ang baybayin para ma-reconnect sa katutubong pinagmulan
  • Ani Gavino, mahalaga ito para lalo pang makilala at maintidihan ng mga Pilipino ang kanilang sarili

Nagsagawa ng webinar ang Philippine Embassy sa Spain ngayong El Mes Filipino o Filipino Month para maituro ang baybayin sa mga Filipino na nakatira roon. Layunin nitong lalo pang maikintal ang pagka-Pilipino sa kanila.

Image capture of video by Philippine Embassy in Spain via Facebook

Sa webinar, partikular na itinuro ang pagsusulat ng baybayin script maging ang mga katumbas na tunog ng mga titik na ito.

Tumutukoy ang baybayin sa katutubong pagsusulat ng mga Pilipino na unti-unting nawala dahil sa hindi na ito ginagamit simula nang ipakilala ng mga Espanyol ang Latin alphabet sa bansa noong panahon ng kolonyalismo.

Wika ni Prof. Tyron Casumpang, nagtuturo ng Filipino at baybayin sa Ateneo de Manila University, makatutulong ang pag-aaral ng baybayin para ma-reconnect sa katutubong pinagmulan sa gitna ng colonial-oriented environment.

Dagdag nito, ang mga kabataang mayroong koneksyon sa katutubong pinagmulan ay nagsisilbing inspirasyon sa mga nakatatanda para mas lalo pa nilang pahalagahan ang Filipino identity, kagaya ng naranasan niya sa kanyang mga estudyante.

Isa si Casumpang sa mga speakers ng webinar. Kasama niyang tagapagsalita sa online seminar sina Mini Gavino at Citadel Munoz ng Growth in Wholeness and Well-being Associates, Inc. (GINHAWA); isang NGO na nagtataguyod ng kalinangan sa kultura ng mga Pilipino kagaya ng promosyon ng baybayin.

Image capture of video by Philippine Embassy in Spain via Facebook

Sabi ni Gavino, makatutulong ang baybayin para lalo pang makilala at maintidihan ng mga Pilipino ang kanilang sarili.

Sapagkat, aniya, hindi mahihiwalay ang baybayin sa kasaysayan at ang kaalaman dito ay marka ng pagiging Pilipino.

Saad naman ni Munoz, malaki ang maitutulong ng pag-aaral nito para matanggal ang disconnection na maaaring nararamdaman ng isang Filipino sa kanyang identity.

Muling panoorin ang Baybayin webinar:

Loading…