Planong paglalagay ng dedicated bike lanes sa EDSA pinaplantsa na ng DPWH

  • DPWH, pinaplantsa na ang planong paglalagay ng dedicated bike lane sa EDSA
  • Plano rin ng ahensya na maglagay sa naturang kalsada ng elevated walkways at bike lane
  • Nakikipag-ugnayan na ang DPWH sa DOTr para sa naturang proyekto

Ibinunyag sa isang panayam ni Secretary Mark Villar ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakaplano na ang paglalagay ng dedicated bike lanes sa kahabaan ng EDSA bilang paghahanda sa “new normal” kung saan ang mga bisikleta ay magiging isa sa mga alternatibong uri ng transportasyon.

Screenshot mula sa GMA video

Sabi ni Sec. Villar, hindi lang sa EDSA gagawa ng bike lanes ang DPWH kundi sa iba pang mga pangunahing kalsada sa buong Metro Manila.

Isang linya umano sa EDSA ang ilalaan para sa mga bisikleta batay sa plano ng Department of Transportation (DOTr).

“Meron nang bike lanes. Pero sa EDSA, nasa planning stage. Nakikipag-coordinate kami sa DOTr. Ang plano nila, ilalagay nila ‘yung mga dedicated bus lanes sa center line ng EDSA. At magkakaroon din ng isang lane na naka-allocate para sa mga bisikleta,” anang kalihim.

“Meron ding bike lane na walang harang pero may guhit sa kalsada. Depende, kung meron talagang makukuhang space para sa bike lane, kukuha kami. Pero kung hindi, marami pa kaming options. Pwedeng lagyan ng mga markings para at least ma-identify yung bike lane sa isang kalsada,” dagdag pa ng Public Works secretary.

Sinabi pa ni Sec. Villar na sa isinagawang pag-aaral ng DOTr, ang kapasidad ng EDSA na mag-accommodate ng mga sasakyan ay tataas kapag may dedicated lanes para sa mga bus at mga bisikleta.

Imahe mula sa Balita

May plano rin ang DPWH na maglagay ng elevated walkways at elevated bike lane sa EDSA.

“Actually nagkaroon din kami ng maraming mga ideas at plano kagaya ng elevated pedestrian lane pati elevated bike lane. Kaya siguro depende sa area kung saan ilalagay. May option din kami na i-upgrade ‘yung pedestrian. Pero sa ibang areas, pwede ‘rin yung elevated kapag hindi talaga feasible ‘yung upgrade,” aniya.

Sa ngayon ay wala pa raw budget para sa mga naturang plano. Siniguro naman ni Sec. Villar na sa susunod na taon ay kaya na nila itong pondohan.

Samantala, nilinaw ni Metropolitan Manila Development Authority General Manager Jojo Garcia na sa ngayon ay ipinagbabawal pa ang pagdaan ng mga biskleta sa kahabaan ng EDSA dahil sa kawalan ng dedicated bike lane.

Imahe mula sa Remate

Loading…