Presyo ng lotto tiket, ibabalik sa P20; premyo may pagbabago rin

Imahe mula sa PCSO Facebook
  • Ibabalik na sa P20 ang presyo ng tiket ng lotto
  • May posibleng pagbabago rin sa mga premyo
  • Hindi naman sinabi ng PCSO kung kailan muling ibabalik ang operasyon ng lotto sa bansa

MAYNILA, Pilipinas – Planong ibalik sa P20 ang presyo ng tiket ng lotto mula sa kasalukuyang P24, ito ang ibinahagi kamakailan ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma.

Sa panayam kay Garma nitong nagdaang Linggo, sinabi ng opisyal na pinag-aralan umano nila ang nasabing plano base na rin sa mga panukala ng mga ahente ng lotto at ng publiko. Hindi naman daw malulugi ang ahensiya kung sakaling ibalik ang presyo ng tiket sa P20 kasama na ang 20% na buwis (VAT).

Imahe mula sa PCSO Facebook

Bukod dito, may posible rin umanong mga pagbabago sa mga premyong tatanggapin ng mga mananalo.

Simula sa second prize, o ’yung mga masuwerteng nakakakuha ng limang numero mula sa anim na lumabas, ang premyong matatatanggap ng bawat mananalo ay buo na imbes na paghatian pa ang buong halaga ng napanalunan.

“Yung other consolation prizes po, kung ano po ‘yung amount sa consolation prize, ‘yun din po ang matatanggap ng ating mananaya,” paliwanag ni Garma.

Ganun pa man, paghahatian pa rin ang jackpot prize ng mga masuwerteng nakakuha ng 6 na numerong lumabas.

Paliwanag ng opisyal, ang naturang hakbang ay upang mas makahikayat pa ng maraming mananaya ng lotto para sa mas malaking kita ng ahensiya ng gobyerno.

Imahe mula sa PCSO Facebook

Ilang taon ding nanatiling P20 ang presyo ng tiket ng lotto bago ito itinaas sa P24 dahil sa implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law noong taong 2018.

Magugunitang itinigil ng PCSO ang operasyon ng lotto noon Marso matapos isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Kamaynilaan at ilang bahagi ng bansa dahil sa pandemiya ng COVID-19.

Hindi naman sinabi ng opisyal kung kailan muling magbabalik ang operasyon ng lotto sa bansa sa kabila ng panghihikayat ng mga ahente na muling buksan ang kanilang negosyo sa publiko.

Loading…