Private school sa Valenzuela City required pa rin ang pagsusuot ng uniforms kahit home schooling na; netizens umalma

  • Usap-usapan ngayon online ang post ng isang private school sa Valenzuela City
  • Ayon sa post, required pa rin daw na magsuot ng school uniform ang mga mag-aaral kahit online classes lang
  • Umani naman ito ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga netizens na nakabasa ng post

Bilang bahagi ng new normal ng edukasyon sa bansa, maraming eskwela ang magsasagawa ng online schooling o online learning, lalo na ang mga pribadong paaralan. Sa ganitong paraan, maitutuloy pa rin ng mga mag-aaral ang kanilang pagkatuto kahit mayroong pandemya.

Ngunit trending ngayon sa social media ang isang pribadong paaralan sa Valenzuela City dahil kahit na online learning lang ang ibibigay nilang edukasyon sa mga bata, inanunsiyo nilang isang requirement pa rin ng mga mag-aaral ang pagsusuot ng uniporme kahit nasa bahay.

Larawan mula sa post ng Children of Mary Immaculate College Valenzuela

Sa post ng Facebook page ng Children of Mary Immaculate College Valenzuela, sinagot nila sa pamamagitan ng mga larawan ang frequently asked questions patungkol sa gagawing distant learning ng kanilang paaralan ngayong taon. At sa isang larawan, idiniin ng paaralan na kailangang naka-uniporme pa rin ang mga mag-aaral at guro kung papasok sa online school.

“Are school uniforms required? Yes. Students and teachers are required to wear school uniform during online classes,” pahayag ng FB page ng eskwelahan mula sa Valenzuela City.

Maraming mag-aaral, mga magulang, at maging netizens ang napataas ang kilay sa polisiyang ito ng Children of Mary Immaculate College. Agad ring nag-trending ito sa social media at habang isinusulat ang istoryang ito, mayroon nang 16,000 reactions, 1,000 comments, at 17,000 shares ang nasabing post.

Ayon sa karamihan ng mga nagkokomento, ano raw ang saysay ng pagsusuot ng uniporme kung online classes naman ang magaganap sa school year na ito. Paano raw ito makadaragdag sa pagkatuto ng mga mag-aaral ngayong mga panahong ito.

Larawan mula sa Pexels

Sabi ng ilan, dagdag pa raw kasi ito sa gastusin ng mga magulang lalo na kung hindi kasya o hindi na ayos ang unipormeng ginamit noong nakaraang school year. Saad rin ng iba, ang mga nagtatrabaho ngang nasa bahay ay hindi inoobligang mag-uniporme.

Ngunit para sa ilang netizens, pabor naman sila sa polisiyang ito. Ayon sa kanila, mas magbibigay daw ito ng school feel sa mga bata at bahagi na rin ng disiplina ng mga bata kaysa magsuot ng mga damit na hindi akma sa pag-aaral.

Loading…