Pulis pinakyaw ang paninda ng matandang vendor

  • Kinalugdan ng mga netizens ang isang alagad ng batas sa Bulacan
  • Pinakyaw niya kasi ang panindang saging ng isang matandang naglalako sa lansangan
  • Ginawa raw niya ito upang matigil na ito sa paglalakad-lakad lalo’t mainit ang panahon at maaari siyang madapuan ng COVID-19

Ang mga pulis ay itinuturing na mga “alagad ng batas”. Sa kabila ng kanilang tungkuling matiyak na sumusunod ang mga mamamayan sa mga ipinatutupad naa batas at patakaran, minsan din ay napupulaan ang kanilang pangalan dahil sa ilang mga tiwaling lumalabag at nagiging pasaway, na dapat sana ay nagiging huwaran ng mga tao.

Subalit hindi lahat ng pulis ay ganito. Kagaya na lamang ni Police Lieutenant Jojo Paguia kung saan kinalugdan ng mga netizens ang ginawa niyang pagtulong sa isang matandang nagtitinda ng saging sa Bulacan.

Ayon sa kaniyang Facebook post, naawa siya sa matanda na nagbubuhat ng mabigat at naglalako gayong delikado para sa kaniyang kalusugan ang kaniyang ginagawa dahil mas tinatamaan ng COVID-19 ang mga senior citizens.

Imahe mula sa Facebook account ni Jojo Paguia

“Natiyempuhan ko ulit si Tatang, hindi ko kayang tiisin na hindi pakyawin lahat ng kanyang paninda kahit hindi ko naman talaga dapat bilhin. Sabi ko sa kanya ‘Bigyan ko na lang kayo ng 500 akin na lang lahat ng dala ninyo’ kahit iilang piling lang naman na bubot na saging sabay abot ng 500 pesos at bigas na may noodles,” paglalahad niya.

Dagdag pa niya, “Ang pakyawin lahat ng dala niya ang magpapatigil sa kanya sa pagbubuhat. Ang iba kasi inaabutan lang siya ng pera. Ganoon din, magpapagod uli si Tatang. Ayon sa ilang nagkukuwento, may mga pagkakataon na nahihimatay si Tatay sa paglalako. Siya ay tubong Calamba lang na iniikot ang mga barangay sa paglalako.”

Umani naman ito ng positibong reaksyon at papuri mula sa mga netizens. May ilan ding nagpatotoo kung gaano kabuti si Paguia.

“Sir isang tulad ninyo ang dapat hangaan bilang isang pulis na malasakit sa kapwa. Sana dumami pa ang tulad ninyo… saludo po ako sa inyo sir,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Totoo pong napakabuti ni Sir Jo, naalala ko pa po noon, kapag nagtitinda si Nanay at napagawi sa inyong bahay, pinipilit po ninyo siyang pakainin. Kung buhay lamang po siya ngayon makikita po niya ang inyo pong pagtulong din sa iba, tiyak na matutuwa po ang nanay. Ingat po kayo lagi sir. God bless po sa inyo.”

Imahe mula sa Facebook account ni Jojo Paguia

Nawa ay pamarisan ng mga kapwa niya alagad ng batas si Sir Jojo Paguia. Mabuhay po kayo!

Loading…