Puwede nang magpagupit: Barber shops, beauty salons pinayagan nang magbukas

  • Pinayagan na ng IATF na magbukas ang mga barber shops at beauty salons simula sa ika-7 ng Hunyo
  • Limitado lang muna sa haircut ang serbisyo at hindi pa maaari ang ibang beauty services tulad ng facial treatment, hair color at nail care
  • Maraming inilatag na guidelines ang DTI na dapat sundin ang mga barber shops at beauty salons para makapag-operate

Pinayagan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang muling pagbubukas ng mga barber shops at beauty salons sa general community quarantine (GCQ) at modified GCQ (MGCQ) areas simula sa araw ng Linggo, ika-7 ng Hunyo.

Imahe mula sa CNN PH

Marami ang natuwa sa balitang ito lalo na ang mga hindi nagkaroon ng lakas ng loob na gupitan ng buhok ang sarili, na tinawag na “quarantrim.”

Kinumpirma ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez ang reopening ng barber shops at beauty salon, ngunit limitado lang muna ang mga ito sa haircut. Hindi pa maaari ang facial care treatment, pagpapakilay, hair color, nail care at iba pang beauty services.

Sa GCQ areas, hanggang 30% operation capacity lang muna ang pinapayagan at pagkalipas ng dalawang linggo ay itataas ito sa 50%.

Sa MGCQ areas naman ay 50% operation capacity ang allowed at pagkalipas ng tatlong linggo ay maaari na ang 100% operation.

Imahe mula sa PCOO

Ibinahagi ng DTI sa Facebook page nito ang minimum health protocols na dapat sundin at ipatupad ng mga magbubukas na barber shops at beauty salons.

Hindi maaaring papasukin sa trabaho ang salon personnel o barbero na may COVID-19 symptoms o may exposure sa COVID-19 patients. Obligado rin ang pagsusuot ng personal protective equipment ng mga empleyado.

Kailangang may proper ventilation ang shops at may available na face masks para sa mga kliyente, libre man o ipinagbibili.

Marami pang patakaran ang inilatag ng DTI na dapat sundin ng barber shops at beauty salon. Ganito na umano ang new normal sa kanilang negosyo.

Imahe mula sa DTI

Loading…