Quarantine pass kanselado na sa Cebu City ECQ; mga residente nagreklamong hindi naabisuhan

Imahe mula sa Cebu City PIO
  • Hard lockdown ipinatupad sa Cebu City dahil sa patuloy na pagdami ng COVID-19 cases
  • Quarantine pass ng mga residente kinansela ni DILG Secretary Eduardo Año alas-diyes ng gabi noong June 23
  • Nagrereklamo ang mga residenete dahil biglaan ang pagkansela ng quarantine pass at hindi sila inabisuhan nang mas maaga

Nagrereklamo ang mga residente ng Cebu City sa ipinatupad na hard lockdown at pansamantalang pagkakansela ng kanilang mga quarantine pass simula noong Martes, June 23. Hindi umano sila inabisuhan ng maaga upang nakapaghanda.

Imahe mula sa Cebu City PIO

Si Secretary Eduardo Año ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang nag-utos na kanselahin ang mga quarantine passes ng mga residente, na tinatayang nasa 250,000 matapos mapag-alamang marami pa ring mamamayan ang lumalabas ng kanilang mga tahanan kahit nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang Cebu City.

“ECQ is a form of hard lockdown so people need to stay inside their homes,” mariing sabi ng kalihim.

Reklamo ng mga residente, biglaan ang ginawang kanselasyon sa kanilang quarantine pass. Ginawa raw iyon alas-diyes ng gabi noong Martes at pagkagising nila kinabukasan ay hindi na sila pinayagang makalabas ng bahay upang makabili ng kanilang mga pangangailangan.

“Dapat, sir, nag-ano sila, nag-abiso sila kahit isang araw lang. Eh, 10 o’clock ng gabi, anong magagawa namin? Pag-mata (paggising), pag-ano namin sa umaga wala na kaming magagawa,” anang residente.

Isang ina ang nakiusap sa mga nagbabantay na awtoridad  na payagan siyang makatawid ng kalsada upang makabili ng pagkain at gamot para sa tatlo niyang mga anak, ngunit hindi siya pinayagan. Sakop kasi ng ibang barangay ang kanyang pupuntahan.

Imahe mula sa Cebu City PIO

Maging ang isang city councilor ay nagulat sa kanselasyon ng quarantine pass.

“I, too, was shocked when I learned about the development past midnight. People didn’t know how they would be able to buy food and other necessities,” sabi ni Councilor Dave Tumulak.

Nagtayo ng 93 checkpoint sa buong siyudad upang masiguro na ang mga residente ay mananatili sa kani–kanilang barangay. Bawal tumawid sa ibang barangay.

Paliwanag ng isang frontliner na pulis , kinokontrol lang nila ang volume ng mga tao sa labas.

“Ang ginagawa namin, ‘yung mga emergency na lalabas sila katulad ng pera, ‘yung mga emergency katulad ng gamot, pinaisa-isa namin ‘yung paglabas,” ayon sa police officer.

Nanawagan naman ni Cebu City Mayor Edgardo Labella sa mga mamamayan na manatiling mahinahon at sumunod sa mga protocols na ipinatutupad.

Imahe mula sa Cebu City PIO

As of June 24, umabot na sa 4,539 ang COVID-19 cases sa Cebu City.

Pupulungin naman ni Secretary Roy Cimatu ng Department of Environment and Natural Resources, ang itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte, bilang overseer ng COVID-19 response sa Cebu City, ang mga barangay chairmen ng 12 barangay kung saan maraming bagong kaso ng COVID-19.

Sec. Roy Cimatu/Imahe mula sa Cebu City PIO

Loading…