Remote Enrollment: Mga estudyanteng mag-eenroll sa public school ‘di kailangang magtungo sa paaralan

  • Simula na ang one-month long enrollment sa mga public schools mula June 1 hanggang June 30
  • Hindi kailangang magtungo ng mga enrollees sa paaralan
  • Ang class adviser noong nakaraang taon ang kokontak sa mga magulang upang ipalista ang kanilang mga anak

Inanunsyo ng Department of Education na ngayong ika-1 ng Hunyo ay simula na ang enrollment sa public schools ng mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 12 para sa school year 2020-2021.

Imahe mula sa DepEd

Ayon sa DepEd, hindi na kailangang pisikal na magtungo sa paaralan ang mga magulang at mag-aaral para sa enrollment. Ito ay upang patuloy na masunod ang physical distancing na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the management of Emerging Infectious Diseases at ng Department of Health sa gitna ng health crisis sa bansa.

Sa halip ay ang dating class adviser ng mga mag-aaral ng nagdaang school year ang kokontak sa mga magulang ng mga bata.

“Ang unang gusto po natin mangyari ay remote ang mangyayaring enrollment. Ibig sabihin ‘yung mga estudyante po natin na Grade 1 to Grade 12, sila po’y kokontakin ng kanilang mga advisers, ‘yung previous advisers nila,” pahayag ni DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla.

Maaari rin naman na ang magulang o guardian ng mga bata ang mismong kumontak sa mga teacher upang masiguro ang enrollment ng mga anak.

Imahe mula sa DepEd

May itatalaga ring enrollment focal person ang mga paaralan na tatanggap ng mga tawag at sasagot sa mga katanungan hinggil sa enrollment ng Kindergarten transferees, Alternative Learning System learners at Balik-Aral.

Maglalabas ang DepEd field offices ng mga listahan ng contact information ng bawat paaralan.

Ang remote enrollment ay gagawin sa unang dalawang linggo ng Hunyo. Ang face-to-face enrollment ay maaaring simulan sa third week ng buwan ngunit kailangan muna ang koordinasyon sa local government unit.

“In the first two weeks of June, we will conduct remote enrollment as it is not allowed to physically go to schools,” pahayag ng DepEd.

Nilinaw ni DepEd Secretary Leonor Briones na ang enrollment ay voluntary. Irerespeto umano ng kagawaran ang desisyon ng mga magulang kung ayaw nilang ipalista ang mga anak ngayong taon.

Imahe mula sa DepEd

Loading…