Sabungero nagsagawa ng “online training” para sa alagang tandang

  • Kinatuwaan ng mga netizens ang isang larawan ng sabungero at alagang tandang
  • Makikitang ipinapanood ng sabungero ang isang video ng sabong sa kaniyang alaga
  • Nagmistula tuloy itong “online training” para sa susunod na sabong kapag pinayagan na ito

Lalong pumatok ang mga gawaing “online” sa pagpapatupad ng community quarantine lalo’t may mga restrictions sa pagsasagawa ng mga “dating normal” na kadalasan ay ginagawa sa pisikal na pagdalo, gaya ng mga klase, seminar, pagsasanay, training, at marami pang iba. Natigil din ang iba’t ibang mass gatherings upang mapigilan ang paglaganap ng COVID-19. Isa na riyan ang pagsasabong.

Kaya naman, kinatuwaan ng mga netizens ang isang larawang ibinahagi sa Facebook post ni “Bong Lagada” kung saan makikitang ipinapanood ng isang sabungero sa kaniyang puting alagang tandang ang isang video ng sabong.

Ayon sa kaniyang caption, “Review muna fight strategy habang walang sabong!”

Imahe mula sa Facebook account ni Bong Lagada

Umani naman ito ng nakatutuwang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Hahaha, ano iyan online tutorial na rin, parang mga students ngayon na virtual learning na? Funny! Natawa ako sa picture na ito,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Goodluck sa iyo kuya kung maabsorb ng alaga mo iyan hahaha. Iwas-tinola raw.”

“Pampa-good vibes! Calling the attention of all sabungeros out there, gayahin ninyo ang bright idea ni kuya hahaha,” panawagan naman ng isa.

Ang sabong o cockfight ay isang uri ng labanan o wrestling sa pagitan ng dalawang alagang tandang o manok na lalaki. Isinasagawa ito sa isang pabilog na pook o lunan na tinatawag na “sabungan.” Kumikita ang mga sabungero sa pamamagitan ng pagtaya sa mananalo o matatalong tandang. Dinala ito sa Pilipinas ng mga Espanyol nang sakupin nila ang ating bansa sa loob ng 333 taon.

Public Domain Image

May likas na galit ang mga tandang laban sa kapwa tandang. Kagaya ng mga atleta o mga manlalaro sa isang partikular na larong pampalakasan, kinokondisyon din ang mga tandang na panlaban, bago maganap ang labanan. Dumaraan din ito sa iba’t ibang mga proseso at pagsasanay gaya ng paggupit sa palong nito, at paglalagay ng tari na bakal sa ilalim ng mga paa nito.

Ang ibang minamalas na tandang ay ginagawa na lamang ‘tinola”; isang uri ng ulam na sinabawan at nilalagyan ng upo o patola at luya.

Loading…