Saloobin ng netizen sa kasalukuyang nangyayari sa bayan: “Kapag mahirap, kulong kapag may kapangyarihan, tulong”

  • Hindi na napigilan ng isang netizen na magpahayag ng kaniyang saloobin hinggil sa pagdakip at pagkakabilanggo ng anim na jeepney drivers sa Caloocan City
  • Nagsagawa kasi sila ng kilos-protesta upang mapayagan na silang mamasada at maghanapbuhay dahil hindi sila nakatanggap ng ayuda
  • Ayon sa netizen, kapag mahirap ay nakukulong at kapag may kapangyarihan naman ay pinagkakalooban ng tulong

Kamakailan lamang ay napabalita ang pagdakip sa anim na tsuper na nagtipon–tipon at nagprotesta dahil sa government ban na nagbabawal sa pamamasada ng mga pampublikong jeepney na ipinataw sa Caloocan City noong Martes, Hunyo 2, 2020. Sila ay kasapi ng grupong Piston, na lumabag daw sa protocols ng social distancing.

Kaya naman, hindi napigilan ng netizen na nagngangalang “Yoniel” na ilabas ang kaniyang saloobin hinggil dito sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post. Para sa kaniya, hindi makatarungan ito. Ginamit pa niya ang ilang mga salitang sinambit ng isa sa mga jeepney drivers na hinuli.

Imahe mula sa Facebook

“Sa panahon kung saan kami ay gipit na, ang kailangan namin ay tulong, hindi kulong. Gutom po sir, ang nag–udyok sa amin upang manghingi ng tulong. Sa tanda ko, ngayon lang ako nakulong dahil lang nanghihingi ako ng tulong,” ilan lamang sa mga pahayag ng jeepney driver sa panayam ng media.

Kaya naman nasabi na lamang ng netizen, “Mga salitang masakit at kay hirap pakinggan. Kapag mahirap, KULONG. Kapag may kapangyarihan, TULONG. #NoToSelectiveJustice #Tatsulok.”

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Bakit ‘yung isang opisyal na nagpunta ng hospital kahit COVID-19 saka ‘yung fake news queen na wala namang alam kundi magpa-cute saka yung nag-manañita hindi ikinulong at pinagmulta? Law is Law, hindi ba? So may selective justice pa lang nagaganap dito? Kapag karaniwang mamamayan, kayang-kayang puntiryahin?” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Grabe naman kayo. Buti nga nanlimos lang, ‘di nagnakaw. Wala silang tulong na makuha kaya nagawa nilang manlimos konsiderasyon naman para sa kanila.”

Public Domain Image

“Ganito sa mundo, kapag mahirap ka at wala ka namang ginawang masama at wala kang inaapakan na ibang tao, ikaw pa nagmumukhang masama. Habang ‘yung iba na nagnakaw na malaya pa rin. Ganiyan kapag may kapit,” pahayag naman ng isa.

Tinawag na “Busina para sa Balik-Pasada” ang kilos-protestang ginawa ng anim na jeepney driver. Nagawa nila ito dahil wala umano silang natanggap na ayuda o cash assistance mula sa pamahalaan. Kinasuhan sila sa paglabag sa social o physical distancing, disobedience, at illegal assembly.

Masama umano ang loob nila dahil hindi nila alam na ibibilanggo sila dahil inanyayahan lamang silang magpaliwanag sa himpilan ng pulisya. Nananawagan silang pakawalan na sila dahil wala naman umano silang kasalanan. Ang abogado nila ay mula sa tulong ng grupong “Bayan Muna.”

Loading…